Ang ganda-ganda at napaka-sexy ngayon ni Jennylyn Mercado nang ito’y humarap sa presscon ng SRO : Cinemaserye Presents Suspetsa at walang mag-aakala na meron na itong nine-month-old baby boy na si Alex Jazz (courtesy of ex-boyfriend actor Patrick Garcia). Ni hindi nga namin nahalata na wala pa siyang tulog dahil kagagaling pa lamang niya sa last taping ng balik-tambalan nila ni Mark Herras na Paano Ba ang Mangarap?
“Actually, babalik pa rin po ako sa taping pagkatapos ng presscon (ng SRO). Umuwi lang ako sandali para magbihis at dito na ako dumiretso sa presscon,” aniya.
Kahit may sakit pa siya, ratsada pa rin siya sa taping ng PBAM at sa taping ng SRO kung saan niya mga kabituin ang mga kasamahan sa talent search na StarStruck Season 1, sina Yasmien Kurdi at Nadine Samonte.
“Nakasama ko na pareho sina Yas at Nadine sa magkahiwalay na project pero ngayon lang kami nagkakasamang tatlo. Enjoy. We’re really having fun. Kuwentuhan at bonding time talaga kaming tatlo laluna during break,” kuwento pa ni Jennylyn.
Samantala, pare-parehong nalulungkot sina Jennylyn, Yasmien at Nadine sa nangyari sa kanilang kaibigan na si Katrina Halili na laman ngayon ng mga balita dahil sa kanilang sex video scandal ng controversial doctor na si Hayden Kho. Pero bilib daw sila kay Katrina sa sobrang lakas ng loob nito dahil kung sa kanila raw ito nangyari ay hindi nila alam kung ano ang kanilang gagawin. Umaasa ang magkakaibigan na kung anuman ang pinagdadaanan ngayon ni Katrina ay malagpasan niya ito.
* * *
Lumantad na rin sa wakas ang controversial na si Dr. Hayden Kho at para itong maamong tupa sa paghingi ng tawad sa kanyang ginawa. Humingi man siya ng tawad ngayon, napakalaking damage na ang kanyang ginawa hindi lamang sa kanyang sarili kundi laluna ang mga biktima niyang babae.
Malayo pa ang tatakbuhin ng usaping ito at tila natabunan na ang ibang malalaking balita.
Samantala, dapat siguro ay mag-isip-isip na si Dra. Vicki Belo tungkol sa kanyang pakikipagrelasyon kay Hayden dahil tiyak na apektado ang kanyang negosyong pinaghirapan. Tiyak na maiipit ang controversial lady doctor dahil mas nananaig ang kanyang pagmamahal kay Hayden kaysa sa kanyang mga anak at negosyo. Sa ginawang pagtataksil sa kanya ng kanyang batang nobyo, nakuha pa rin niya itong patawarin at balikan.
* * *
Pangalawang buhay nang maituturing ni Richard Gutierrez ang kanyang himalang pagkakaligtas sa aksidenteng nangyari sa kanya at dalawa niyang kasama na ikinasawi ng kanyang production assistant na si Nomar Pardo nung madaling araw ng Biyernes.
Nagpapasalamat ang pamilya ni Richard na ito’y buhay pero nalulungkot naman sila sa nangyari sa assistant nitong si Omar.
* * *
Si Coco Martin ang pinakabagong miyembro ng lumalaking pamilya ng Star Magic at hindi naman kataka-taka dahil isang mahusay na aktor si Coco na regular na napapanood sa top-rating primetime TV series na Tayong Dalawa.
* * *
Sa Hunyo 7 ay first death anniversary ng mister ni Lorna Tolentino na si Rudy Fernandez at kahit mag-iisang taon na itong wala, ramdam pa rin ng kanyang mga kabarkadang sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla at Phillip Salvador ang pagkawala nito. Nabawasan man ang kanilang barkada, hindi ito nangangahulugan na nagtapos ang kanilang madalas na pagkikita at pagkakaibigan. Gaano man sila ka-busy, naglalaan sila ng oras para magkasama-sama kahit isang beses sa loob ng isang linggo.
“Nakaka-miss talaga si Daboy,” pahayag ni Sen. Jinggoy na ang pelikulang Bente na dinirek ni Mel Chionglo ay matutunghayan na ngayong Hunyo 3.
Ang Bente ay isa sa mga tampok sa Sine Direk na proyekto ng APT Entertainment at DGPI.
* * *