Sapat na ba ang apology ni Dr. Hayden Kho?

Napanood ko kamakalawa sa TV ‘yung ginawang paghingi ng apology ni Dr. Hayden Kho sa nilikhang gulo ng mga eskandalosong video niya na isa sa mga nakasama niya ay lumabas para siya ikondena, si Katrina Halili.

Hindi masisisi si Katrina sa naging pagdaramdam at galit niya. Career nga naman niya at pagkatao ang inilagay ng mga nasabing video sa kahihiyan, wala na siyang magagawa sa nadungisan niyang karangalan pero, may magagawa siya para maputol na ang ganitong masamang gawain na maituturing na isang krimen.

Kung ang isang biro na sinabi ng Hollywood actor na si Alec Baldwin na agad naman nitong inihingi ng paumanhin, ay hindi natin tinanggap na maganda, ‘yun pa kayang ginawa ng isang maituturing na may pinag-aralan dahil isang doktor at kapwa natin Pilipino ang palalampasin natin?

Ewan ko kung ano ang kahihinatnan ng kasong ito na nagdadawit na ng ibang tao. Lalantad din kaya sila tulad ni Katrina?

* * *

Biruin mo, nagtampo ang kasamahan ko dito sa PSN na si Veronica Samio sa American Idol. Wala raw pinag-kaiba sa mga singing contests dito sa atin na ang winner ay pinipili ng text votes. Kahit ano pang papuri ang ibigay ng mga taong nasa likod ng pakontes, pampalubag loob na lamang daw ito sa injustice na ginawa nila sa mga mas may karapatang manalo. Kung sabagay, dati naman siyang hindi fan ng AI. Humanga lamang siya sa kagalingan ng isang Adam Lambert na kahit hindi siya pabor sa paggamit nito ng black nail polish ay mas nanaig ang kagalingan nitong kumanta. Sabi nga niya Lambert could have been the best American Idol winner ever. So so winner lang sa kanya ang bagong AI even with his piano and guitar playing. AI is a contest for singers not musicians. Pero bilib si Vero sa rami ng malalaking artista na sumali sa finals night. Akalain mo pati ang sikat na si Steve Martin pumayag kahit tugtugan lang niya ng banjo ang mga AI finalists.

* * *

I’m glad na may bagong programa sa TV5 si Regine Angeles. Matapos siyang magpa-impress sa Tayong Dalawa na hindi lamang siya nakitang maganda kundi magaling din na kontrabida, pangangatawanan na niya ang pagiging bad girl sa TV tutal dito naman siya nagmamarka’t hinahangaan. Ituluy-tuloy mo lang Regine at malayo ang maaabot mo.

Show comments