Hindi natuloy ang meeting ko kahapon sa isang controversial personality dahil may appointment siya sa Malacañang Palace pero okey lang dahil na-meet ko naman si Charo Ronquillo.
Charo who? Si Charo ang Asian Kate Moss sa New York. Sikat na sikat siya roon at pinag-aagawan ng mga sikat na fashion designer. Sangkatutak din ang mga fashion pictorial ni Charo dahil ipinakita niya sa akin ang kanyang fashion portfolio.
Twenty-one years old si Charo at tubong Cabuyao, Laguna. Seventeen years old lamang siya nang ma-discover ni Joey Espino. Mula noon, nagtuluy-tuloy na ang success niya sa modelling world sa Pilipinas at international scene.
Ang ganda-ganda ni Charo. Simpleng-simple siya. Walang kayabang-yabang sa kanyang katawan. Ikinuwento ko nga sa kanya nang magpunta ako noon sa New York.
Kasikatan noon ni Melanie Marquez bilang supermodel at talagang naiyak ako nang ma-sight ko sa New York ang naglalakihang billboard ni Melanie.
Hindi pa ipinanganganak si Charo nang i-conquer ni Melanie ang New York kaya interesadong-interesado siya sa pakikinig sa mga kuwento ko.
* * *
Bising-bisi ang mga cameraman. Ang kanilang pinagkakaabalahan? Ang panonood sa sex video nina Hayden at Katrina na kumakalat na rin pala sa mga cellphone.
Naloka ako. May dahilan talaga para magwala at maapektuhan si Katrina. Apat na minuto ang haba ng video sa cellphone pero sa Internet, halos 30 minutes ito.
Lahat ng mga nakapanood sa sex video eh nanlumo. Wala silang naramdaman ng pag-iinit ng katawan. Natulala sila at naloka.Totoo pala ang tsismis!
* * *
Ikinaloka ko rin ang balita na interesado ang Senado na kalkalin ang isyu tungkol sa sex video nina Hayden at Katrina.
Ipinarating din sa akin ng isang empleyado ng dzBB na hinahanap daw ako ng isang opisyal ng Philippine Medical Association. Type na rin yata ng PMA na imbestigahan ang sex scandal issue.
Kung interesado ang Senado, hindi ako magugulat kung imbitahan nila sina Katrina at Hayden na humarap sa imbestigasyon. Lumaki ang isyu dahil artista si Katrina at doktor naman si Hayden.
* * *
Maraming salamat sa mga nakaalaala sa birthday ko ngayon. May mga nag-aalok na bibigyan nila ako ng birthday party pero ako ang tumanggi.
Sa tuwing meron akong birthday party, ako pa ang nauunang umalis sa venue dahil ayokong napupuyat. Naiiwan ang mga bisita dahil ini-enjoy nila nang husto ang party itsurang wala ang may kaarawan.
Magsisimba ako ngayon at magpapasalamat kay Lord dahil sa mga daily blessing niya sa akin. Ihihingi ko rin ng forgiveness ang mga kagagahan na ginagawa ko. ‘Yun lang!