Mga sinibak na empleyado nina AiAi at Allan K. naghabol

MANILA, Philippines – Hiniling kahapon sa Court of Appeals ng mga empleyado ng isang comedy bar na baliktarin ang naunang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) na pumapabor sa mga komedyanteng sina Allan Quilantang o Allan K. at Eillen delas Alas o mas kilala bilang AiAi, at iba pang may-ari ng Klownz comedy bar matapos silang iligal na tanggalin sa trabaho.

Sa 11 pahinang petition for certiorari na inihain ng mga empleyadong sina Marlon Gutierrez, Ryan Libao, Hilario Servallos, Ryan Paul Ramirez, Cesar Medes, Michael Sagun, Jeffrey Sipig, Joseph Pleno, Raphael Encinares, Joselito Magtibay, at Diosdado Harold Celestial, sinabi ng mga ito na ang mga may-ari ng Klownz ay hindi maaaring mag-deklara ng bankruptcy o pagkalugi samantalang ang iba pa nilang sangay ay patuloy pa sa pagbubukas.

Ayon pa sa mga empleyado, kinuha sila bilang mga empleyado sa Klownz-Araneta subalit bigla na lamang silang inililipat sa iba pang sangay ng nasabing comedy bar.

Idinagdag pa ng mga ito na ang financial statements na nagpapakita na ban­krupt ang kanilang bar ay hindi pinanumpaan ng kanilang accountant.

Nabatid na tinanggal ang mga empleyado noong 2007 dahil sa bankruptcy na pi­na­buran naman ng NLRC ang management ng Klownz. (Gemma Amargo-Garcia)

                                                                       

Show comments