Bossing pina-check up ni Pia

Masuwerte ang sisimulang game show ng TV5, ang Who Wants To Be A Millionaire? dahil mayroon nang clean bill of health ang host nitong si Vic Sotto. Ipina-executive check up ito ng kanyang girlfriend na si Pia Guanio nung nakaraang birthday bilang regalo niya sa nobyo at lumabas namang bukod sa kaunting overweight ng 2-3 kilos, malusog naman si Vic at handang sumabak sa kanyang bagong trabaho sa TV5. Tanging si Tito Sen (Tito Sotto) na lamang ang kulang at pare-pareho na silang mga host ng Eat Bulaga na nagtatrabaho sa ibang network bukod sa GMA.

Sinabi ni Bossing Vic na hindi nahirapan ang TV5 na kunin siyang host ng Who Wants To Be A Millionaire?

“Fan na ako ng nasabing game show since it started in the US, at maski na nung dumating ito dito sa Pilipinas. But never in my wildest dream na inakala kong magiging host ako nito. Kaya nung ialok ito sa akin ng TV5, hindi sila nagdalawang salita. Agad ko itong tinanggap. Ni hindi namin pinag-usapan ang talent fee ko. After the initial talk ko with TV5, nakipag-usap na ako sa representative ng UK company na siyang may hawak ng franchise nito,” ani Vic during the media launch of the game show na kung saan ipinatikim nila sa mga dumalong entertainment writers kung gaano kadaling manalo ng pera sa game.

For the pilot episode, mga celebrity ang maglalaro, tulad nina Mo Twister, Ara Mina, Manilyn Reynes, Polo Ravales, Assunta de Rossi, Maegan Young, Nadia Montenegro at marami pang iba. Hindi madali ang mga tanong tulad ng mga itinanong sa mga celebrities at sa mga future contestants pero, sinabi ni Bossing Vic na madali ito kung marunong dumiskarte ang mga sasali. Dalawang milyon ang puwedeng mapanalunan bawat laro. Tuwing Sabado, 6:00 ng gabi mapapanood ang Who Wants To Be A Millionaire? sa TV5.

Tatakbo ang game show ng dalawang season o 22 linggo.

Going back to his relationship with his pretty co-host in Eat Bulaga, sinabi ni Vic na ang tanging bonding time nila ay pagkain sa labas at panonood ng sine. Nang tanungin siya kung ano ang nagugustuhan niya sa kanyang girlfriend, sinabi ni Vic na: “Dahil sa kanya mas lalo akong sumasaya. Maalaga siya at isa sa kakaunting tao na nakakapagpatawa sa akin.”

* * *

Pambagets na mahilig sa sport ang kuwento ngayong 8:00 ng gabi sa Maalaala Mo Kaya. Limang magkakaibigan mula sa probinsiya ang nangarap makapaglaro sa isang varsity soccer football team sa Maynila. Nakapasok ang lahat matangi sa isa na umuwi ng probinsiya. Sa isang bakasyon nagkita-kita silang muli.

Tampok sina Alcris Galura, Alwyn Uytingco, Myco Antonio, Charles Christianson, Carlo Lacana, Noni Buencamino at Yayo Aguila. Direksiyon ni Diosdado Lumibao.

Show comments