Dalawang David ka-join sa party ni Pacman

Anak ni Papa Chavit Singson ang produ ng concert nina David Archuleta at David Cook kaya nagpunta ang dalawa sa victory party ni Papa Chavit para kay Manny Pacquiao.

Eh international star din si Manny kaya siguradong na-starstruck din sa kanya ang dalawang David.

Pinanood na ba nina Mark Wahlberg, Jack Nicholson, Mariah Carey, Jennifer Lopez, Jay-Z at iba pang sikat na Hollywood figure ang concert nina Cook at Archuleta? Hindi pa pero pinanood na nila ang mga boxing fight ni Manny at nagbayad sila ng libu-libong dolyar.

Sinasabi ko ito dahil may mga nag-react, ano raw ang ginagawa ng dalawang David sa victory party ni Papa Chavit para kay Manny?

* * *

Hindi ko masyadong kilala sina David at David dahil hindi naman ako nanonood ng American Idol pero bumilib ako dahil ang sipag nilang mag-promote ng kanilang concert.

Hindi sila katulad ng ibang American singer na nagkaroon ng concert sa Pilipinas na hindi basta mahahatak sa mga TV guesting. Kunsabagay, mga baguhang singer pa lamang ang dalawang David. Malay natin, magkaroon din sila ng attitude kapag mga megastar na sila sa Amerika.

Pero isang bagay ang natitiyak ko, magiging memorable ang ilang araw na pamamalagi nila sa ating bayan dahil natikman nila ang hospitality ng mga Pilipino.

Kitang-kita sa kanilang mga mukha ang sobrang katuwaan dahil sa mainit na pagtanggap ng mga kababayan natin, kahit saang lugar sila magpunta.

May ikukuwento na sila sa kanilang mga kamag-anak na kakaiba talaga ang mga Pilipino. 

* * *

Magkakaalaman mamayang gabi kung na-convert sa datung ang pagkaaliw ng mga Pilipino kina Cook at Archuleta.

Kapag dinumog ang kanilang concert, pruweba ito na talagang malakas ang hatak nila sa mga Pinoy pero kung hindi, ibang usapan na ‘yon.

Remember, libre ang entrance sa studio ng SIS at Eat Bulaga noong Huwebes at kahapon. May bayad na mamaya ang panonood kina David C. at David A.

Eh mga bagets pa naman ang karamihan sa kanilang mga tagahanga at nataon pa na papalapit na ang school opening kaya siyempre, uunahin ng mga magulang ang pagbili ng mga school supply at uniform.

Malalaman natin bukas kung naging successful ang concert ng dalawang David at harinawang maging matagumpay ito para hindi masayang ang effort at datung ng mga produ na siguradong gumastos ng milyun-milyong piso para madala sa Pilipinas ang mga American Idol graduate. Fearless talaga ang mga produ na sina Jomari Yllana at Ronald Singson.

* * *

At dahil Sabado ngayon, ire-remind ko na huwag ninyong kalimutan na panoorin ang Startalk dahil mga hot showbiz story ang inyong mapapanood.

Pag-uusapan sa Startalk ang kaso na hinaharap ngayon ni Amalia Fuentes, ang isyu ng biglang pagkawala ni Jennylyn Mercado, ang video scandal nina Hayden Kho at Katrina Halili at sangkatutak na kontrobersiya.

Show comments