Sharon gusto na si Piolo para kay KC

Isa marahil sa dahilan kung bakit patuloy ang pagtatagumpay ni Jericho Rosales sa buhay ay hindi niya kinakalimutan ang kanyang pagiging mahirap.

 “Anumang kaginhawahan mayroon ako at ang pamilya ko ngayon ay bunga ng hard work. Kahit anong trabaho basta pagkakakitaan ay hindi ko tinatanggihan. Kahit na pagtitinda ng isda. Ayaw ko nang maranasan ‘yung mga panahon na kanin at mantika lamang ang kinakain namin. Kapag wala kaming kuryente ay kailangang mangapitbahay kami,” anang aktor na sa loob ng 12 taon ng kanyang pagiging artista ay naabot ang tagumpay. Kinikilala siyang isa sa pinakamahuhusay sa grupo ng kabataang aktor ngayon, backed up by several nominations and awards.

Pero kung matagumpay man sa kanyang trabaho si Echo, hindi kasing suwerte ang kanyang lovelife. He has had a series of failed relationships, pinakapinag-usapan ‘yung sa kanila ni Heart Evangelista. Kinakailangan pa nilang mag-usap para magkaroon ng magandang closure ng aktres. At this point, hindi pa siya nabibigyan ng pagkakataong makaharap muli ito. Pero nakaharap na niya’t nakausap ang ex niyang si Cindy Kurleto na dumating ng bansa mula Austria para magbakasyon.

 “Okay naman kami, she was with her boyfriend. What happened between us ay itinuturing naming mahalagang leksiyon sa aming buhay, magkaibigan pa rin kami,” sabi niya.

Magkaibigan din sila ni Kristine Hermosa, katunayan magkasama sila sa seryeng Dahil Mahal Kita ng ABS-CBN at nakikitang wala silang ilangan at komportable sa kanilang muling pagsasama.

 “Bakit naman magkakaroon ng ilangan ay naghiwalay naman kami ng maayos. We’re both happy where we are now, siya sa kanyang current love at ako sa aking paghahanap ng bagong pag-ibig. Wala namang dahilan para hindi ako maghanap ng bagong mamahalin kaya lang ang focus ko ngayon ay nasa aking career.

* * *

Sixteen million pala ang kinita sa takilya ng Best Friends Forever sa unang araw ng pagpapalabas nito sa mga sinehan. Tuwang-tuwa ang mag-BFF na sina Sharon Cuneta at Aiai delas Alas na mas lalo pang naging close even after doing the film.

Lahat ay nagkakaisa na talagang masaya ang pelikula, maski si Sen. Kiko Pangilinan na proud sa pagiging professional ni Sharon dahil pinayagan nitong malait ang pagiging mataba nito sa pelikula. At okay din dito na magkaroon sila ng eksenang mag­ka­sama ng kanyang ex na si Gabby Con­cepcion.

Kahit maliit lamang ang role, pumayag si Gabby na magkaroon ng cameo role sa BFF. Ito marahil ang isa sa come-on ng pelikula, gusto ng manonood na makita kung hanggang saan ito pumayag na lumabas sa movie na si Sharon ang isa sa mga bida. Kung matatandaan, nabalitang mas malaki sana ang role niya sa pelikula, ‘yun yatang role ni John Estrada pero hindi natuloy dahil hindi raw pumayag si Sharon.

 “Hindi ito totoo, it was John sa simula pa lamang. It was Star Cinema who thought na kung pag­sa­samahin sila sa isang movie, ‘yung sila lang da­lawa ang bida. Or kung may makakasama sila, eh ‘yung anak na nila, si KC (Concepcion),” anang isang exec ng Star Cinema at ABS-CBN sa isang interview.

* * *

Aprub pala si Mega kung sakali mang liligawan ni Piolo Pascual si KC.

“Ano naman ang irereklamo ko, Piolo is very respectable. KC is safe with him, she’s in good hands when they’re together,” sabi niya nang tanungin tungkol sa gumagandang relasyon ng dalawa.

Masaya naman si KC sa ginawang pagpayag ng dad niya na lumabas sa BFF.

 “I’m proud sa kanilang dalawa, sa pagpayag nilang magkasama sa movie. Ngayon lang nangyari ito, ang magsama silang dalawa. Parang reunion nila. They were shot together, hindi naman kinunan ang eksena nila na magkahiwalay sila. I was there nang kunan ang eksena nila together,” masayang sabi ni KC.

Show comments