MANILA, Philippines – Kinasuhan ng Cebu Provincial Prosecutor’s Office ang mga nag-organisa at mga nag-perform sa isang kontrobersiyal na bikini show sa Santa Fe, Bantayan Island noong nagdaang Mahal na Araw at inaprubahan ang pagsasampa ng kasong kriminal sa paglabag sa Women Development Code of Cebu Province sa Municipal Circuit Trial Court.
Kahapon inaprubahan ni Provincial Prosecutor Pepita Jane Petralba ang pag-charge sa sexy actress na si Maureen Anne Rodriguez Taylor alias Maui Taylor at mga modelong sina Jennifer Lee at Paolo Paraiso dahil sa violation ng Section 19 of the Provincial Ordinance No. 2005-18.
Ang mga promoters and organizers ng show na sina Elton Tio, Chinggay Floro, Mercury Gumera at resort owner Rommel Solomon ay nakasuhan din sa parehong reklamo.
Nirekomenda naman ni assistant provincial prosecutor Napoleon Alburo ang pag-file ng kaso sa Municipal Circuit Trial Court sa Bantayan Island laban sa mga akusado matapos timbangin ang sanhi ng reklamong inihain ni Governor Gwendolyn Garcia.
Bukod pa sa violation sa provincial ordinance, sina Tio at Solomon ay magkahiwalay na sinampahan ng kaso sa paglabag sa Municipal Ordinance No. 01-2008, na tumitingin sa mga activities na naganap noong Lenten season sa Santa Fe.
Si Santa Fe Mayor Jennifer Illustrisimo ang nagreklamo kina Tio at Solomon sa paglabag ng sections 1.2; 1.2.1, at 1.2.2 nang mag-promote at ipalabas ang bikini show sa Rommel’s Beach Resort sa Santa Fe noong gabi ng April 11 hanggang abutin ng madaling araw ng April 12.
Ayon kay Mayor Illustrisimo, ang bikini show umano’y hindi lang lumabag sa Women Development Code ng probinsiya nila kundi pati sa municipal ordinance dahil walang mayor’s permit ang ginanap na palabas.
Kung mapapatunayang may sala, lahat ng mga akusado ay maaaring makulong ng mahigit sa isang taon o magbayad ng multa sa halagang P5,000 o pareho, depende sa magiging desisyon ng korte.