MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ng aktres at dating beauty queen na si Ruffa Gutierrez sa Quezon City Regional Trial Court na ibigay na sa kanya ang pangangalaga o custody sa dalawa niyang anak na kapwa menor de edad pa – sina Loren at Venice.
Naitalaga kay QCRTC Branch 107 Judge Jose Bautista Jr. ang custody petition ni Ruffa (Sharmaine Gutierrez sa tunay na buhay) na ang defendant ay ang asawa niyang negosyanteng Turkish na si Yilmaz Bektas.
Nabatid na pinadalhan na ng korte ng summon si Bektas sa kasalukuyang tirahan nito sa Istanbul, Turkey para ipaabot ang petisyon ng kanyang dating asawa.
Ikinasal sina Ruffa at Yilmaz sa The Fort, Taguig noong Marso 25, 2003 at naging anak nila sina Loren at Venice na lima at apat na taong gulang ayon sa pagkakasunod.
Pero nabulgar noong Mayo 8, 2007 ang paghihiwalay nilang dalawa matapos ang apat na taong pagsasama dahil sa umano’y pambubugbog ni Yilmaz kay Ruffa. Bumalik sa bansa si Ruffa at dalawa niyang anak at hinarap ang showbiz career.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nagsasampa ng annulment petition si Ruffa.
Hataw ang career ni Ruffa sa kasalukuyan sa Kapamilya Network.