Kung ang mga kabataan ngayon ang tatanungin, hindi na sila gaanong pamilyar sa pangalang Victor Wood na siyang tinaguriang Jukebox King nung dekada ‘70 at siya’y maituturing na ngayong isang music icon.
Sa kabila na hindi na aktibo si Victor Wood sa recording, nanatili pa rin itong kaibigan ng discoverer niyang si G. Vic del Rosario at kung bumibisita si Victor sa tanggapan ni Boss Vic, madalas ay karay-karay nito ang anak na si Simon na napakabata pa noong kanyang kasikatan. Kumbaga, nasubaybayan ni Boss Vic ang pagbibinata ni Simon hanggang makita niya ito na puwede nang sumabak sa professional singing at recording. Guwapo, matangkad at talented si Simon na hindi naman kataka-taka dahil ganoon din naman si Victor laluna nung kanyang kapanahunan.
Nang mapakinggan ni Boss Vic si Simon, agad itong binigyan ng break sa recording at dito nabuo ang kanyang self-titled album na Simon Wood na produced and released under Viva Records.
Ang management arm ng Viva, ang Viva Artists Agency na rin ang nangangalaga ng career ng 20-year-old na si Simon na siya ring nangangalaga ng respective careers nina Sarah Geronimo, Mark Bautista, Rachelle Ann Go, Anne Curtis, Cristine Reyes among others.
Bilang tribute sa kanyang amang si Victor Wood, isang awiting kinompos at pinasikat ng ama ang isinama at carrier single sa album ni Simon, ang awiting Luluha Ka Rin (na mas kilala noon sa titulong Malupit na Pag-ibig), ang awiting pinasikat noon ng nasirang si Eddie Peregrina, ang What Am I Living For at iba pang remakes tulad ng Love Will Keep Us Alive, Everything I Own, How Can I Tell Her, Don’t Fade Away, Wonderful Tonight, Every Break You Take at Next In Line. Kasama rin dito ang ilang OPMs tulad ng Muntik Nang Maabot ang Langit, Pangako at sariling komposisyon ni Simon, ang Pangarap Ko Natupad Sa ‘Yo.
Si Simon ay panganay sa dalawang magkapatid sa second wife ni Victor na si Ofelia. Walo lahat silang magkakapatid, lima sa unang family ni Victor at may isa pa silang kapatid sa ibang babae. Pero aminado si Simon na close umano silang magkakapatid kahit magkakaiba ang kanilang ina.
Si Simon ay ipinanganak sa Amerika. Eleven years old na siya nang magdesisyon siyang mamirmihan sa Pilipinas kasama ang kanyang parents. Ang nakababata naman niyang kapatid na babae ay sa London nag-aaral.
“Lahat naman kaming magkakapatid ay may talent sa pagkanta pero ako lang ang nag-pursue sa singing,” pag-amin ni Simon.
Very supportive ang parents ni Simon na sina Victor at Ofelia sa kanyang singing career.
“Maraming advise sa akin ang dad ko na parang barkada ko lang,” ani Simon.
Palibhasa’y guwapo, posible ring pasukin ni Simon ang pag-aartista tulad ng kanyang ama noon.
* * *
Hindi halos namin nakilala si Phillip Salvador nang ito’y dumating sa aming intimate birthday party last Sunday evening na ginanap sa private music lounge na pag-aari ni Sen. Jinggoy Estrada sa Lt. Artiaga, San Juan. Nagpakalbo si Ipe (Phillip) dahil sa kanyang character na ginagampanan sa remake ng Panday na pinagbibidahan ni Sen. Bong Revilla kung saan si Ipe ang gumaganap na main kontrabida sa papel na Zardo.
Ang Panday na co-production ng Imus Productions at GMA Films ay nakatakdang ilahok sa Metro Manila Film Festival sa darating na Disyembre.
Kung hindi kami nagkakamali, first time na magkakasama sa pelikula sina Bong at Ipe at first time ding gaganap na kontrabida si Ipe kay Bong.
Hindi ikinakaila ni Ipe na hanggang ngayon ay patuloy nilang nami-miss ang kanilang barkada, ang namayapang si Rudy Fernandez laluna pagdating sa mahahalagang araw.
“In spirit, parati naming kasama si Daboy. Malay mo, narito rin siya ngayong gabi (referring to our party) at nakikisaya,” biro sa amin ni Ipe.
* * *
Nanghihinayang kami na hindi gaanong nabi- bigyan ng magandang role ang mahusay na child actress na si Ella Cruz sa bakuran ng GMA 7. As far as we know, matagal nang Kapuso si Ella pero hindi ito masyadong napapanood.
Kahit nag-aartista si Ella, priority pa rin nito ang kanyang pag-aaral. Alam naman kasi ng bata na hindi panghabang-buhay ang pag-aartista. Pero mahal niya ang kanyang acting career.
“Kahit bata pa po ako, nangangarap din po akong makapag-uwi ng award balang araw,” asam ng ten-year-old child actress.
* * *
Kung ang mga anak lamang ni Dra. Vicki Belo na sina Krystalle at Quark Henares ang masusunod, ayaw na nilang magkabalikan pa ang kanilang mommy at boyfriend nitong si Dr. Hayden Kho pero siyempre, anak lang sila at ang kanilang ina pa rin ang masusunod lalupa’t mahal na mahal ng lady doctor ang kanyang batang doctor-boyfriend.
Matapos ang controversial na break-up nina Dra. Vicki at Dr. Hayden, muling nagkabalikan ang dalawa. After all, love is lovelier, the second time around. Di ba, Salve A.?
* * *