Dahil dala-dalawa ang birthday party na lalagariin ko, ang kay Aster Amoyo at Pempe Rodrigo-Oreta kung kaya maaga akong dumating sa party ni Aster. Alas-sais lamang andun na ako, pero wala pang tao, kaming dalawa lamang ni Senador Loren Legarda.
Tinanong ko ang magandang senadora kung tatakbo ba siya sa darating na eleksiyon, ang sabi niya nakikiramdam daw siya. Kung tatakbo si Erap, hindi siya tatakbo, nakikita raw kasi niyang magiging malakas na kandidato ito. Pero kung tumakbo siya, gusto niyang maka-tandem si Chiz Escudero, siya sa pagka-presidente, si Chiz sa pagka-bise.
* * *
Isang reunion naman ng mga dating Sampaguita stars ang birthday party ni Pempe Oreta sa Rolling Hills, QC. Andun sina Susan Roces, Amalia Fuentes, Pepito Rodriguez at nagulat ako, andun din si Rosemarie Sonora at Sheryl Cruz. Magkasama ang mag-ina.
Andun din si Ricky Davao kasama ang dalawa niyang anak na dalaga, Lito Legaspi, John Nite, Pilita Corrales, Gloria Sevilla, Delia Razon, Amparo Lucas, Jo San Diego, Perla Bautista, at Mrs. Santiago ng Premiere Productions.
It was a beautiful party, kaya nga ilalabas ko sa Walang Tulugan. Ibang klase talaga kapag nagkita-kita ang mga dating artista, walang dull moment, kabi-kabila ang kuwentuhan. Pero meron ding kantahan. Mawawalan ba nito with Pilita, Danreb Belleza and John Nite around?
Talagang napaka-saya niya. Kaya nga nalulungkot ako kapag nakikita ko ang mga kabataang artista ngayon na parang hindi close at palaging nagpapasiklaban. Close man sila ngayon pero in a few years baka magkalimutan na sila. Hindi tulad ng mga nabanggit kong artista na maraming panahon na ang lumipas pero napanatili nila ang kanilang pagkakaibigan.
Ewan ko lang kung dumating si Gloria Romero. Birthday kasi ng apo niya na si Chris Gutierrez. Nagpasabi na ito ng maaga pero nangakong hahabol siya.
* * *
Dinayo pala ang santacruzan sa Malabon. Lahat excited makita ang ‘Reyna Emperatriz’ na si BB Gandanghari. Hindi naman sila nito binigo dahil pusturang-pustura ito sa kanyang gown at talagang napaka-ganda ang pagkakaayos sa kanya.
Kasabay ng pagsagala ni BB ang anunsiyo naman daw ng simbahan na bawal mag-santacruzan ang mga bakla. Hangga’t hindi nila sinisira ang kasagraduhan nito at sa halip ay pinasasaya ang okasyon, hindi naman siguro sila dapat pagbawalan.
Kayo, ano sa palagay n’yo?
* * *
Nag-iiyak daw sa TV si Francine Prieto na kasalukuyang may sakit ang ina ng cancer. Sa halip na umiyak, magdasal ka na lamang Francine. Diyos na lamang ang makakatulong sa iyong ina at sa mga problema mo.
Sa mga gusto namang mag-donate ng dugo na kailangang-kailangan ng ina ni Francine, kahit anong tipo, maari kayong magtungo sa Cardinal Santos Medical Center at sabihin n’yong gusto niyong magbigay ng dugo kay Gng, Amelia Falcon.