Coverage sa election simula na!

MANILA, Philippines - Makiisa, maki-patrol at makisanib puwersa sa ABS-CBN News and Current Affairs ngayong Lunes (May 11) sa paglulunsad ng Boto Mo, iPatrol Mo: Ako ang Simula, isang malawakang kampanya para himukin ang mga Pilipino na maging aktibo sa darating na halalan.

 Nananawagan ang BMPM sa lahat ng Pilipino, lalung-lalo na sa mga kabataan, na ngayon pa lang ay magsimula nang makilahok sa pamamagitan ng pag­paparehistro para bumoto at mabusising pag­subaybay sa paghahandang ginagawa sa 2010 presi­dential race.

“Marami sa kabataang Pinoy ang tila walang pakialam at hindi na naniniwalang ang pagbabago ay maaring maganap sa ating bansa,” sabi ni Maria Ressa, ABS-CBN Senior Vice President for News and Current Affairs. “Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga kabataan. Mayroon tayong isang taon para baguhin ang tradisyunal na pulitika sa Pilipinas at ang kampanyang ito ang magbibigay kapangyarihan sa kanila para umaksiyon.”

Magtatayo ang ABS-CBN ng voter registration booth sa darating na Lunes sa Metro Manila, Pampanga, Cebu at Davao. Hihimukin din ang mga botante, dito at abroad, na ibahagi ang kanilang mga saloobin sa darating na eleksyon sa pamamagitan ng text at sa kanilang website na www.abs-cbnnews.com, http://www.abs-cbnnews.com/

“Naging matagumpay ang BMPM noong 2007 kung saan libu-libong mga Pilipino ang nag-ulat ng mga anomalya, karahasan at dayaan sa halalan gamit ang kanilang mga celphones. Ito ang unang beses na ginawa ito sa bansa. Ngayong taon, mas pag-iibayuhin natin ang paghimok sa kabataan na umaksyon gamit ang network ng ABS-CBN na saklaw ang TV, radyo, cable, internet at celphones.”

Mag-uumpisa ang mga kaganapan sa May 11 sa makasaysayang La Salle gymnasium kung saan ang unang quick election count ay ginanap noong 1986. Kasama ng buong tropa ng top-rating morning show na Umagang Kay Ganda, isang voter at BMPM registration booth ang itatayo sa La Salle.

Ayon kay ABS-CBN News Gathering Head na si Charie Villa, maghahatid din ng pinakasariwang mga ulat ang ABS-CBN News sa Pampanga kasama si Pinky Webb; sa Cebu kasama si Julius Babao; at sa Davao kasama si Ces Orena-Drilon kung saan may voter registration din areas na matatagpuan. 
Pagsapit naman ng gabi, ihahatid ng ABS-CBN News Channel (ANC) ang kauna-unahang ANC Leadership Forum sa Ateneo De Manila University kung saan kikilatisin ang opinyon at saloobin ng mga posibleng maging lider ng bansa hinggil sa iba’t ibang isyung kinakaharap natin ngayon. Kabilang sa mga dadalo sa forum ang mga maugong na kandidato sa pagka-presidente na sina Defense Sec­retary Gilbert Teodoro, Pampanga Governor Ed Pan­lilio, at mga senador na sina Mar Roxas III, Francis Escudero, Panfilo Lacson at Richard Gordon.

 Isang mini-concert naman na pinamagatang 365 Days to Change…Todo Na To! ang magaganap sa Music Museum sa ganap na 8:00 pm kasama ang Artist Revolution at YouthVote Philippines.

Ibabahagi rin ni Ressa ang pagmomobilisa ng internet kaugnay sa kampanya kung saan kabilang ang sikat na mga social networking sites tulad ng Multiply, YouTube, Twitter at Facebook. Maglulun­sad ang abscbnNews.com ng online at text polls para sa gusto niyong mangyari sa 2010 elections pati na rin ang mga isyu na sa tingin n’yo ay dapat pagtuunan ng pansin ng susunod na pangulo.

 Manood ng Umagang Kay Ganda, TV Patrol World at Bandila sa ABS-CBN, manatiling nakatutok sa ANC (SkyCable Channel 27), at mag-log on sa www.abs-cbnnews.com, http://www.abs-cbnnews.com/ para sa karagdagang impormasyon sa Boto Mo, iPatrol Mo: Ako ang Simula na mag-uum­pisa sa Lunes (May 11).

* * *

Moms May Parangal Sa Asap

Ang pinaka-espesyal na babae sa ating buhay ka­ra­pat-dapat lang na bigyan ng selebrasyon, kaya ngayong Linggo sa ASAP ’09 makikita natin ang mga inang pararangalan sa Mother’s Day presentation ng variety show ng ABS-CBN.

“Ito lang ang araw sa buong taon na pwede nating i-honor ang mga ilaw ng tahanan. Ito ang ating regalo sa lahat ng mga ina na laging inuuna ang panga­nga­ilangan ng mga anak kesa sa sarili nila,” sabi ni Susa­na Aquino, ang brand manager ng Nido Fortified Milk.

Ano naman ang mangyayari sa big day bukas? Malalaking artista ang iimbitahan ng ASAP kabilang na si Sharon Cuneta.

 Ang mga nanalo naman sa Nido Fortified’s My #1 Video, isang online contest na bida ang ina at anak sa isang music video, ay sasabihin na. Ang con­test ay ni-launch sa Multiply account noong Enero at daan-daang entries ang natanggap sa buong bansa.

Show comments