LV shoes ni AiAi bigay ni Mega

Yes, may bago na namang manliligaw si AiAi delas Alas. Ito ay si Julio Cabrera, isang Venezuelan ramp model, 25 years old. Dalawang buwan na silang magkakilala at dalawang ulit nang nag-date.

 “Group dates ito, hindi kaming dalawa lang. Kasama namin mga kapwa niya modelo, si Bong Quintana at ang handler niya na friend ni Bong. Silang dalawa ang nagpakilala sa amin.

 “Hindi pa naman siya nanliligaw, nasa stage palang kami ng getting to knows each other. Pero, certified binata siya, may taas na 5’11” at isang dating boksingero. Very shy siya, tahimik kaya parang mabait. Hindi pa niya alam na artista ako,” imporma ni AiAi na nagsabing inimbitahan niya itong maging escort niya sa premiere night ng kanilang pelikula ni Mega sa Martes, Mayo 12

“Ayoko namang pahuhuli noh! Si Mega sasamahan ng kanyang asawang si Sen. Kiko Pangilinan at ng kanyang mga anak na sina Frankie at Miel. Darating din si KC (Concepcion) na kasama si Piolo Pascual. Si John Estrada kasama si Priscilla Meirelles, kaya ako dadalhin ko si Julio,” pagmamalaki ng Comedy Concert Queen na kahit magso-showing na ang Best Friends Forever ay hindi matapus-tapos ang papuri sa napaka-gandang trato sa kanya ng Megastar.

“Kita n’yo ‘tong suot kong shoes, Louis Vuitton ito, bigay rin sa akin ni Mega,” sabay pakita sa kanyang puting sling back na sapatos na suot niya nung pasyalan sila ni Ruffa Gutierrez ng ilang press sa taping ng kanilang programang Ruffa & Ai. Guest nila nung araw na ‘yun si Sharon na kahit hindi gaanong punado ay nakapag-lost na pala ng 12 lbs. habang ginagawa nila ang movie. Pangako nito na pagbalik mula sa kanyang Mega US Tour na kasama pa si AiAi sa isang show, ay handa na siyang mag-shoot ng kanyang susunod na movie na isang drama/love story.

* * *

Speaking of Best Friends Forever, magugulat ang maraming manonood nito sa premiere night at maging sa regular showing sa May 13 dahil makikita for the first time si Mega na naka-2 piece bathing suit.

Matagal nang kuha ito, nung hindi pa isinisilang si Frankie, dinala lamang ni Sharon ang larawan sa shooting para ipakita na nagkaroon din siya ng pagkakataon na mag-bikini nung payat pa siya. Natuwa lamang si direktor Wenn Deramas kaya nagpasyang gamitin ang larawan sa movie. Ewan ko kayo pero, ako interesadong makita ito.

* * *

Nagkaroon pala ng violent reactions ang mga Kimerald fans nang mabalitaan na pinag-iisipan ng Star Cinema na igawa ng movie si Gerald Anderson kasama si Sarah Geronimo. Mas bayolente pa kaya ang magiging reaksiyon nila sa proyektong kasalukuyang ginagawa ni Kim Chiu na kung saan ay si Derek Ramsey ang kasama niya.

May tentative title itong Broken Hearts at dinidirek ni Laurice Guillen. Bukod sa kanilang dalawa, kasama rin sa movie sina Gabby Concepcion at Angelica Panganiban. Go agad si Direk Laurice kay Kim bilang anak ni Gabby sa movie. Nagkatrabaho na silang dalawa in the past at gusto niya ang attitude ni Kim sa trabaho. Love interest dito sina Gabby at Angelica.

Ang pagpapalit-palit ng mga magkakapareha ay ginagawa ng Star Cinema para bigyan ng mga bagong lasa ang mga manonood.

* * *

O kita mo na, nagbunga rin ang mga efforts ni Sandara Park! Sikat na siya ngayon sa kanyang bansang Korea, mayroon na siyang isang girl group na gumagawa ng pangalan dun at maging ang kanilang album ay mabentang-mabenta. Pinalitan na niya ng Dara Parks ang kanyang name, siguro para mag-create ng mas magandang vibes.

Nagbakasyon pala siya rito for a week. Dumating siya’t umalis ng walang funfare. Na-miss lang siguro ang mga kaibigan niya kaya dumalaw.

* * *

Isang touching and dramatic episode ang mapapanood ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya in celebration of Mothers Day. Starring real life mothers Carmina Villaroel and Jodi Sta. Maria bilang Judith at Aimee, dalawang ina na nag-krus ang landas sa gitna ng suliranin at kahirapan sa paghahanap ng solusyon para sa kaligtasan ang kanilang mga anak na parehong namimilagro ang buhay.

Lahat ng mga ina at anak ay siguradong makaka-relate sa kuwento na idinirihe ni Nuel Naval at isinulat ni Ruel Montanez.

Show comments