MANILA, Philippines - Isang bahagi ng pagdidisiplina ng aktor na si Marvin Agustin sa kanyang sarili ang pag-inom ng gatas na Bear Brand araw-araw para matamo niya ang mga pangarap sa buhay.
“Ang pagkakaroon ng malusog na kaisipan at pangangatawan ay mahalaga sa pagsasakatuparan ng mga pangarap. At nakakatulong ang pag-inom ng gatas para matupad iyon,” sabi pa ni Marvin na bukod sa pag-aartista ay isa ring restaurateur.
Dahil dito, nagpapasalamat si Marvin na naging endorser siya sa kampanya ng Bear Brand Laki sa Gatas. “Natatandaan kong ipinapangaral sa amin ng nanay namin ang mga sustansiyang nakukuha sa gatas at ipinapaliwanag niya kung bakit kailangan ko ang mga ito,” sabi pa ng aktor.
Kabilang si Marvin sa mga artistang hindi lumaki ang ulo sa pagsikat nila sa mundo ng showbiz. Ipinagpatuloy niya ang pagsisikap na matamo ang isa pa niyang pangarap- ang makapagtayo ng negosyo sa pagkain o ng restawran.
Naalala pa ni Marvin na nagsimula siyang mangarap na maging isang restaurateur noong nagtatrabaho pa siya bilang server sa isang restawran. Pero naakit siya sa kinang ng showbiz at naging isa siya sa mga sikat na matinee idol.
Pero isang determinadong tao si Marvin kaya, kahit naging matagumpay siya bilang aktor, ipinagpatuloy niya ang pagsasakutaparan ng pangarap niyang maging restaurateur.
“Nag-aral ako ng Culinary Arts at Hotel Management sa International School para matutuhan ko ang negosyo,” sabi ni Marvin.
Unang naging negosyo ni Marvin ang Ricecapades, isang chain of food stalls na nagsisilbi ng mga rice topping. Sumunod dito ang Oyster Boy Restaurant na kinahumalingan ng maraming food lover at nagkaroon ng maraming sangay sa Kalakhang Maynila.
“Pero ang baby ko ay ang Sumo Sam,” patungkol ng aktor sa isa niyang Japanese-American restaurant na lumaki at nagkaroon din ng maraming sangay.
Sumunod na itinayo ni Marvin ang John and Yoko sa Greenbelt 5. Café Ten Titas sa Gateway Mall, Marciano’s sa Greenbelt 3, at Samurai Chef sa Trinoma. Inaasahan ding bubuksan niya ang Harajuku, isang Euro-Japanese restaurant sa Eastwood sa Libis, Quezon City.