Kasong estafa kay Gabby ibinasura

MANILA, Philippines – Dinismis ng Quezon City Prosecutors’ Office ang kasong estafa laban sa aktor na si Gabby Con­cepcion na naunang isinampa ng kanyang talent manager at movie producer na si Rose Flaminiano.

Sinabi ni Assistant City Prosecutor Florante Ra­mo­rete sa kanyang tatlong pahinang resolusyon na walang pananagutang kriminal dito dahil ang kaso ay may kaugnayan sa management contract.

Dahil dito, ayon sa prosecutor, hindi na kaila­ngang isulong sa korte ang estafa case laban sa aktor.

Inireklamo ni Flaminiano na nabigo si Gabby na puntahan ang mga nakatakdang shows para sa aktor kahit nagbigay na siya rito ng downpayment na P800,000.

Ang nasabing halaga ay magsisilbing down­pay­ment para sa lahat ng programang lalabasan ni Concepcion mula Agosto hanggang Disyembre 2008.           

Pero sa kabila ng pagkuha umano ni Concep­cion ng paunang bayad ay nabigo na ang aktor na mag­pakita sa mga tinanguan nitong shows noong Setyembre at Oktubre. 

Nilinaw naman ng kampo ni Gabby na noon pang Agosto 2008 ay nagback-out na ang aktor sa kanyang kontrata kay Flaminiano at kasalukuyan nang dinidinig ang usaping ito sa korte.

Dagdag pa nito, hindi niya umano niloko ang kanyang dating manager kasabay ang pagtangging humingi siya ng P800,000 kay Flaminiano bilang paunang bayad sa kanyang mga lalabasang programa dahil boluntaryo umano itong ibinigay sa kanya ni Flaminiano. (Angie dela Cruz)


Show comments