Concert ni Sarah sa Amerika jampacked lahat

Kung tutuusin, hindi talaga kami boxing fanatic pero isa kami sa milyun-milyong Pinoy na nagdadasal at umaasa na sana’y manalo ang ating sariling boxing champ na si Manny Pacquiao lalupa’t nakamasid ang buong mundo. 

Nung linggo ng umaga, paalis sana kami patungong Tanauan, Batangas pero at the last minute, nagdesisyon kaming huwag nang umalis para hindi namin ma-miss ang laban nina Manny at Ricky Hatton. Pre-empted man ang palabas sa GMA 7 dahil mas maagang lumabas ang balitang panalo si Pacquiao at pinabagsak si Hatton sa ikalawang round, minabuti pa rin naming panoorin ang delayed telecast ng laban sa Kapuso network. Bago rin lumabas ang balita sa radio at telebisyon sa panalo ni Pacman, nag-text na rin sa amin ang concert producer na si Al Chu na nasa Las Vegas, Nevada rin sa laban nina Pacman at Hatton.

Si Pacman na nga ang ‘Greatest Fighter of All Time’ next to Muhammad Ali na isa na ngayong tagahanga ng Filipino boxing icon bukod pa sa dating Pangulo ng Amerika, si Pres. Bill Clinton at iba pang mga prominenteng personalidad ng Amerika.

Ang maganda kay Manny, tumatak na sa mga ma­nonood sa buong mundo ang kanyang pagiging pala-dasal, bukod pa siyempre sa kanyang ina na si Aling Dionisia. Bago ang laban ay lumuhod ito sa corner ring para magdasal at pagkatapos ng laban. Bawat round ay nagsa-sign-of-the-cross si Manny at naipapakita niya na inilalagay niya ang Diyos sa sentro ng kanyang mga laban.

* * *

Tinotoo ni Martin Nievera na sa halip Barong Tagalog ang suutin, isinuot nito ang T-shirt na designed ng namayapang Master Rapper na si Francis Magalona bilang pagkilala at tribute sa huli.

Maganda ang pagkakanta ni Martin ng Lupang Hinirang na may bagong areglo. 

Sa next laban ni Pacman, sana si Lea Salonga o ’di kaya’y si Charice Pempengco na ang kumanta.

* * *

Sa teleseryeng May Bukas Pa na pinagbibidahan ng batang si Zaijian Jaramilla na siyang gumaganap sa papel na Santino, wala ring ipinagkaiba ang kanyang buhay sa ibang kilalang celebrities na nagmula rin sa isang broken family.

Panganay si Zaijian sa tatlong magkakapatid at hiwalay na ang kanyang mga magulang na sina Zenon Jaramilla (ng Marinduque) at Glendel Amo ng Lucena City ng Quezon Province. Ang dalawa niyang nakababatang kapatid ay sina Ziljian (6 years old) at si Zynic (5 years old).

Ngayong sikat na sikat na si Zaijian at nasa pangangalaga ng kanyang amang si Zenon, hindi kaya maghabol ang kanyang ina?

* * *

Kung si Pops Fernandez ang tinaguriang Concert Queen, hindi malayong si Sarah Geronimo na ang Concert Princess dahil pawang sold-out ang mga concerts nito hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Sa recent concert tour ni Sarah sa Amerika, jam­packed ang halos lahat ng kanyang pinagtanghalan at kasama na rito ang University of Guam Fieldhouse na na-sold out one week before the concert. Pinamagatang Sarah Geronimo: The Next One, naging special guests ni Sarah sina Billy Crawford, Charlie Green at Mark Bautista at ito’y produced ng aming kaibigan at kumpare, ang successful businessman na si Emelio Uy, ang tinaguriang Godfather to the Stars sa Guam, USA.

Bago magtapos ang taon, tiyak na may film project na naman siyang naghihintay at major concert sa Big Dome (Araneta Coliseum).

* * *

 a_amoyo@pimsi.net  

Show comments