MANILA, Philippines - May napapansin ba kayong musical talent ng anak ninyo? Gusto n’yo bang magka-career sila at tanghaling “the next big little star?”
Puwede ‘yan ngayong summer, dahil may nakahandang free training mula kay Maestro Ryan Cayabyab. Katulong pa ng kanyang The Music School of Ryan Cayabyab (TMsrc) ang Music Museum Group, Inc. (MMGI) para sa pag-iisa ng kanilang layunin na matulungan ang music industry na makatuklas ng mga bagong talento. Magbibigay sila ng scholarship program para sa mga hahasaing singing prodigies.
Tinatawag nilang Musmusikwela 2009, Eskwelahan ng Musmos sa Musika, ang proyektong iskolarsyip na sampung buwan at three-level course ay bukas para sa lalaki’t babae, aged 8-12 years old. Magsisimula sa isang talent search at audition ngayong buwan, susundan ito ng matinding pagsasanay para sa mapipiling iskolar mula June 2009 hanggang March 2010.
Ang Maestro mismo ang magbabantay sa mga audition schedules at magsasanay sa mga piniling iskolar sa voice at stage performance sa loob ng buong training period. Ang mga scholars ay magkakaroon ng mga recitals at tataas ang level. Sa huling recital, ang mga naiwang scholars ay ipakikilala sa industriya ng musika at sa media.
Ang mga auditions na gagawin ay sa May 10 at 17, 1-5 p.m., sa TMsrc sa Park Avenue, Lower Level ng Robinsons Galleria. Ang MMGI naman sa pagdiriwang ng kanilang ika-20th anniversary ay nangakong magbibigay ng tuition fees, pagkain, at pamasahe para sa mga iskolar nila.
May pre-registration ang Musmusikwela kaya tumawag muna sa MMGI (721-0635, Russel) o TMsrc (637-9840, Lyn).