Aba at sensitibo na pala ngayon si Snooky Serna kapag tinatawag na pagong. Nagalit ito kay Gina Alajar nang sa miting para sa kanilang indie film na Dukot ay biniro nito ang pagiging mabagal at sinabihan itong huwag mali-late sa kanilang shooting.
Nagbibiro lamang naman daw si Gina pero sineryoso ito ni Snooky at sinabing nainsulto siya sa sinabi nito. Umabot ang sinasabing galit si Snooky kay Gina pero, ayaw na itong patulan ng huli.
Mabuti naman, para hindi na humaba pa ang usapan. Baka nga wala lamang sa mood si Snooky nang mangyari ito. O baka naman nagbabago na ito at makasisira sa kanyang pagbabago kung pault-ulit na mariring ang salitang ‘pagong’ na matagal nang tawag sa kanya.
Kilala ko kasi si Gina at alam kong hindi ito isang manlalait. I’m sure wala siyang masamang intensyon sa kanyang sinabi.
* * *
Laban ngayon ni Manny Pacquiao. Suportahan natin siya sa pamamagitan ng panalangin. Kahit malaki ang pananalig ko sa kanyang husay sa boksing, malaki pa rin ang pag-aalala ko dahil parang malaki ang katawan ng kanyang kalaban, parang Totoy Bato.
Eh nung kabataan ko, ang mga nag-aaway o gustong mag-away ay kailangang parehas ang pangangatawan, magkapareho ng laki. Alam kong maliksi si Manny at malakas sumuntok at sana maka-connect siya palagi dahil isa siya sa kakaunting Pinoy na nagbigay dangal sa ating bansa. Suportahan natin siya. Ipagdasal natin si Manny.
* * *
Congratulations kumareng Gloria Romero na nanalo ng Best Actress para sa indie film na Fuschia na isa sa featured films sa Sine Direk Series. Palabas ito sa mga sinehan ng SM ngayon. Panoorin n’yo at sure ako na masisiyahan kayo sa istorya nito.
May agam-agam pa nung una si Mareng Glo na tanggapin ang pelikula. Katulad din nung halos ayaw niyang gawin ang isa pang indie film, ang Paupahan dahil kailangan niyang magmura sa kabuuan ng pelikula. Eh si Mareng Glo, hindi talaga nagsasalita ng masama, much less magmura. Pero nanaig ang pagiging propesyonal at nagampanan niya ng husay ang role sa nasabing movie na kung saan ay kasama rin ako.
Sa Fuschia, natakot din siya dahil makabagong babae ang role niya, may edad pero matapang at may sariling paninindigan. Ang anak naman niyang si Marites ang kumumbinse sa kanya sa kagandahan ng role. Biro mo kung hindi niya tinanggap eh, hindi sana siya best actress. I know hindi na niya kailangan ng mga ganitong patunay sa punto na ito ng kanyang career pero, isa pa ring magsisilbing inspirasyon sa kanyang trabaho ang nakuha niyang best actress award. Di ba mareng Glo?
* * *
Congratulations din kay Eddie Garcia na nanalong best actor for drama, para rin sa nasabing movie. I’m sure ecstatic si Direk Joel Lamangan, malaking boost ito sa kanyang movie na ipinalalabas ngayon sa Sine Direk.
Sayang at ‘di nanalo ang kasamahan nilang si Robert Arevalo pero, hindi ibig sabihin na hindi na ito mahusay, hindi lamang siya naging masuwerte. Pero bilib ako sa mga sinabi niya nung tanggapin niya ang award para kay Eddie, ang husay niya, ang galing ng sense of humor. Sabi ko tuloy, heto ang mga tunay na artista. Maraming matututunan ang mga kabataan sa mga artistang katulad niya.
* * *
Puspusan na talaga ang paghahanda ni Cesar Montano para sa 2010 elections. Marami ang nagsasabi na tatakbo siyang gobernador ng Bohol. Kung mangyayari ito, magiging napaka-suwerte ng nasabing probinsiya sapagkat ang gaganda ng plano niya para rito. Matatandaan sa isa sa mga prinodyus niyang pelikula ay ipinakita ang kagandahan ng kanyang lalawigan.
Pinaghahandaan na rin niya ang matagal na niyang planong pagdaraos sa Bohol ng isang film festival na magtatampok ng mga gawa ng maraming mahuhusay na Pinoy filmmakers.
Sa tulong ni Cesar, magiging isang popular na tourist spot ang kanyang lalawigan hindi lamang dahil sa Chocolate Hills na dating kasama sa 7 Wonders of the World kundi sa marami pang tourist attractions na gusto niyang mangyari.
Sayang at mababawasan ang industriya ng isang mahusay na aktor at direktor pero malaki ang magagawa ni Cesar sa kanyang lalawigan kapag nagtagumpay siya sa pulitika. Hard worker yata yan!