Salamat Dok Limang Taon Na

MANILA, Philippines – Mapagkukunan ng impormasyong kalusugan at nagbibigay serbisyong medikal sa sambayanan.

Iyan ang naging marka ng Salamat Dok, sa pangunguna ni Cheryl Cosim, sa nakaraang limang taon na tinagal ng kanilang programa sa ABS-CBN.

Magpahanggang ngayon, patuloy na nagbibigay ang programa ng practical at makabuluhang impor­masyon para malunasan o mapigilan ang iba’t ibang sakit sa tulong ng mga panauhing eksperto.

Ngayong Sabado (May 2), tunghayan si Director Anthony Calibo ng Department of Health sa kan­yang pagbabahagi ng impormasyon hinggil sa umuusbong na health at wellness tourism sa bansa at alamin kung paano ito nakakatulong sa ating ekono­miya.

 Papapasukin din kayo ni US Ambassador Kristie Kenney sa kanyang tahanan at isisiwalat kung ano ang kanyang diet secrets.

 Pagdating naman ng Linggo (May 3), samahan si Cheryl at ang buong grupo ng Salamat Dok sa kanilang medical mission sa Malolos, Bulacan. Ang dating health secretary Jaime Galvez-Tan at herb expert na si Dr. Emil Aligui ay tatalakay din ng kabu­tihang dulot ng pagsasanib puwersa ng modernong medisina at ng natural, at tradisyunal na uri nito.

 Simula nang ilunsad ito noong 2004 kasama si Cheryl Cosim bilang host, sumailalim na ang Salamat Dok sa maraming pagbabago para mas lalo pang matu­gunan ang pangangailangan ng mga mano­nood. Nakatamo na rin ito ng maraming parangal mula sa iba’t ibang prestihiyosong award-giving bodies tulad ng Anak TV Seal, KPB Golden Dove, USTv Students’ Choice Awards at Gawad Tanglaw.

Bilang pasasalamat sa walang sawa niyong pagsuporta sa kanila, magbubukas ng isang health fair ng iba’t ibang produkto at serbisyong medical, pati na rin ng mga alternatibong therapy at treatment ang multi-awarded health and public service program bukas, Sabado sa ABS-CBN garden. May libreng serbisyo medikal tulad ng tuli, konsultasyon sa mga doctor, masahe, bunot ng ngipin at marami pang iba.

Show comments