Ngayon, more than ever, ay appreciated ni Jennica Garcia ang magandang pagpapalaki na ginawa sa kanya at sa kanyang nakababatang kapatid na si Kotaro ng kanilang inang si Jean Garcia.
“Bihira kong maipakita sa kanya ang aking pagmamahal sa mga ginawa niya kaya ngayong nalalapit na ang Mother’s Day ay may pinaplano akong selebrasyon para sa kanya. Kaming dalawa lamang dahil gusto ko namang maiparamdam sa kanya na ispesyal siya. Siguro kahit isang simpleng dinner lang sa labas, masisiyahan na siya,” sabi ng anak na proud sa ginawang pagpapalaki sa kanila ni Jean nang nag-iisa.
“Wala siyang special someone at the moment pero, alam niya na hindi ako tumututol na magmahal siya ng iba. Alam ko namang iba ‘yung love na maibibigay namin ng kapatid ko sa kanya sa love na isang guy pero habang wala pa ito, I hope makasapat sa kanya ang pagmamahal naming kapatid ko,” dagdag pa ng batang aktres na patuloy ang pamamayagpag sa kanyang pag-aarista.
Meron itong bagong teleserye na si Dennis Trillo ang bago niyang kapareha. Ito ang Adik Sa ‘Yo ng GMA 7 na kung saan ay kasama ako sa cast, sina Marvin Agustin, Jolina Magdangal, Pauleen Luna, Sexbomb at iba pa.
* * *
Ang Fuschia ni direktor Joel Lamangan ang opening film ng Sine Direk na palabas sa ilang sinehan ng SM. Tampok dito ang kumare kong Gloria Romero kasama sina Eddie Garcia at Robert Arevalo. Panonoorin ko ito dahil napakaganda ng pagkaka-istorya sa akin ni Vero ng pelikula. Bilib siya sa acting ni Glo at maging ni Celia Rodriguez na malaki ang panghihinayang niya na hindi nakasali sa listahan ng nominado bilang supporting actress ng PMPC Star Awards for Movies.
* * *
Totoo bang maraming absent sa Kongreso dahil manonood ng laban ni Manny Pacquiao sa Las Vegas sa Linggo?
Hindi ba sila makukontento kung sa TV na lamang nila ito panonoorin para lamang hindi mag-suffer ang trabaho nila? O kaya naman ay sa napakaraming pay-per-view venues made available dito sa atin?
Napaka-luho naman nila! Kahit pa sabihing pera nila ang ginastos sa pamasahe, pera pa rin ng bayan ang pinang-susuweldo sa kanila. Hindi na nila matapos-tapos ang trabaho nila dahil sa napakaraming abalang dumarating, umaalis pa sila, eh ‘di naman puwedeng isang araw lang silang absent, siyempre travel time lang aabutin na sila ng halos dalawang araw. Aba sayang din ito, maraming trabaho silang magagawa sa panahong ito.
* * *
Hindi raw dapat ipagtampo ni Gob. Vilma Santos kung sakali mang tumakbo siya sa pagka-pangalawang pangulo sa 2010 at hindi siya matulungan ni Sharon Cuneta dahil tutulong ito sa kampanya para sa reelection ng kanyang asawang si Sen. Francis Pangilinan. Maski naman daw sa Biblia, itinuturo na dapat ang asawa ang bigyan ng prioridad dahil ito na ang bagong pamilya niya kesa sa unang naging pamilya niya.
Oo naman, dahil kung si Gob. Vi ay nalagay sa ganun ding sitwasyon, mas susuportahan niya ang asawa niya kesa ang kaibigan niya.
Si Sen. Bong Revilla ang hindi matutulungan ng kanyang misis na si Lani Mercado kapag natuloy ang pagtakbo ni Lani sa kongreso. Mahahati rin ang kanyang mga anak sa kanilang dalawa at maging ang magkakapatid na Revilla sa pagtulong sa kanilang mag-asawa.
Si Korina Sanchez, magbakasyon sa trabaho bilang broadcaster para tulungan sa kampanya ang kanyang mapapangasawang si Sen. Mar Roxas.
Sa nakikita ko, magiging star studded ang eleksiyon sa 2010 sa rami ng mga artistang papasok sa pulitika.
* * *
Talagang masasabi kong napakasuwerte na ni Mark Anthony Fernandez kapag nakuha siyang leading man ni Marian Rivera sa Darna. Nagiging paboritong leading man na siya sa GMA 7. Kung sabagay, hindi naman alangan, bukod sa may looks siya, magaling din siyang artista at hindi problema sa kanyang mga nakakasama, artista man o sa produksyon.
Kasama siya sa All About Eve.