Kahapon, Tuesday ginanap ang ‘sunrise wedding’ nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo sa San Juan, Batangas. Matipid ang detalyeng nasagap namin at hindi pa taga-showbiz ang source. At least, matitigil na ang haka-haka kung kailan talaga ang kasal ng dalawa.
Ang May 2, na unang nasulat na petsa ng kasal nina Judy Ann at Ryan ay wedding reception para sa mga kaibigan nila sa press.
Una rito, nabalitaan din namin na personal na kinausap nina Judy Ann at Ryan ang respective managers nilang sina Alfie Lorenzo at Noel Ferrer para magpaalam na ikakasal na sila. Nangyari ito noong Friday, April 24, habang nasa presscon ni Cesar Montano si Alfie. Kaya pala bigla itong nawala’t may sumundo para makausap ng mga ikinasal.
* * *
Masaya ang presscon ng Best Friends Forever dahil tawanan nang tawanan sina Sharon Cuneta at AiAi delas Alas habang ikinukuwento ang mga naganap sa shooting. Join din sa pagkukuwento si Direk Wenn Deramas.
Nadiskubre ni Sharon na marami silang similarities ni AiAi at tiyak siyang kahit maipalabas na ang pelikula sa May 13, patuloy ang komunikasyon nila. Totoong tao at hindi raw plastic ang co-star, simple at mahal na mahal ang mga anak.
“Magaling na ka-eksena si AiAi dahil ‘di nang-aagaw ng eksena. Feeling ko, saling-pusa lang ako rito. Iiyakan ko ang last shooting day nito. This movie is a blessing because of AiAi and Direk Wenn, teachers ko sila at sana may contribution din ako,” wika ni Sharon.
Nami-miss ni Sharon ang drama, pero nag-enjoy siya sa comedy at type din niyang gumawa ng horror at siya ang multo. Pero ang next project niya’y love story at magpapapayat siya.
“Sabi ni direk, nakakatawa ako rito, ngayon lang ako mapapanood na heavy duty at nagko-comedy. I made fun of myself and I allow them to make fun of me, pero magpapapayat na ako because of my next movie. I want to look best this year. I want to be best looking, feel good and healthier as well. I want to do the love story this year,” wika ni Sharon.
* * *
Ngayong Miyerkules na ang showing ng Fuschia, ang opening movie ng Sine Direk Series at natutuwa si Mr. Tony Tuviera ng APT Entertainment at members ng Directors’ Guild of the Philippines na showing ito sa 11 theaters. Mapapanood ang heartwarming movie na dinirehe ni Joel Lamangan sa SM Megamall, MOA, SM Fairview, SM North Edsa, SM Bacoor, Cinerama, Ali Mall, Metro East, Robinson’s Galleria at Robinson’s Novaliches.
Tampok sa Fuschia sina Eddie Garcia, Robert Arevalo at Gloria Romero at kasama rin sina Armida Siguion-Reyna, Gina Alajar, Iza Calzado, Richard Quan, Tony Mabesa at Celia Rodriguez. Gugulatin ni Gloria ang moviegoers sa mga ginawa niya rito.