Marian ipinakilala sa mga anak ni Mars Ravelo

Ngayong na-announce na ng GMA 7 na si Marian Rivera ang gaganap na bagong Darna, matitigil na siguro ang haka-hakang inilalaan ng network ang proyekto para kay Anne Curtis. Matagal nang lumu­tang ang tsikang hinihintay ng Channel 7 na mag-expire ang kontrata niya sa ABS-CBN at sa kanya ibibigay ang project.

Napatunayang mali ang balita dahil kay Marian ibinigay ang sabi nga ni Ms. Wilma Galvante ay prime role. Pinapunta ang actress sa GMA Network noong Huwebes ng hapon para ipaalam ang next project niya after Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang at para ipakilala sa mga anak ni Mars Ravelo, may akda ng Darna.

Tsaka by the time na gagawin ni Marian ang Darna, gagawin naman yata ni Anne ang Anak ni Zuma.

Magkakaroon ng formal announcement sa pag­kapili kay Marian na bagong Darna at makikipag-meeting pa ang manager niyang si Popoy Caritativo sa management para malaman kung anong paghahanda ang kakailanganin ng actress.

Mahabang proseso pa ang pagdadaanan bago mabuo ang project. Idi-develop ang istorya at wala pang cast at kung makikinig ang Channel 7, si Robert “Buboy” Villar ang gusto ng mga viewers na gumanap sa role ni Ding. Klik nga naman ang team-up nila sa Dyesebel.

Si Marian ang pangalawang actress na parehong gumanap na Darna at Dyesebel, nauna sa kanya si Batangas Governor Vilma Santos.

* * *

Gustong i-korek ng mga nakabasa ang nasulat na kaya nag-break ang isang showbiz couple dahil sa sobrang kaistriktuhan ng ina ng singer-actress (SA). Mali raw ito dahil ang totoong rason ng break-up ni SA at ng ex niyang actor ay ang ama ni SA.

Lingid sa kaalaman ng marami, simula pa lang ng relasyon nina SA at ng ex-BF niyang actor, ayaw na rito ng kanyang ama. Alam ito ng actor at nagsawa na raw siguro ito sa panunuyo sa ama ng dating nobya kaya nauwi sa break-up ang kanilang relasyon.

* * *

Hindi na-offend si Janina San Miguel sa reaction ni Gretchen Barretto na hindi siya kilala nito dahil totoo. Okay din sa dalaga ang comment ni Gretchen na “That’s impossible” sa tanong ng press kung posible siyang matipuhan ni Mr. Tony Boy Cojuangco dahil hindi rin daw niya iniisip yun.

Ang ayaw baguhin ni Janina at ng manager niyang si Manny Valera ay ang aming nasulat na pakikipag-meeting nila kay Mr. Cojuangco sa yate nito para sa isang project sa TV5 dahil totoong nangyari. Hindi magsisinungaling ang talent manager at ’di nito maintindihan kung bakit ginagawang big deal ng iba ang meeting na yun na purely business naman.

Ayaw nang magsalita ni Manny at baka may kumontra pa. Hintayin na lang daw ’pag umere na ang show ni Janina. Character itong si Janina, matutuwa sa kanya ang mga viewers.

* * *

Sa Kakasa Ka Ba sa Grade 5? maituturing na genius ang first player na si Jonathan Banawa, valedictorian ng high school sa Don Bosco Technical Institute at magna cum laude noong college sa UP Diliman at isang assistant bank manager ngayon. Kapag nanalo ng one million, ibabayad niya ang pera sa hinuhulugang bahay.

Second player si Mari Anne de Leon-Trillana, isang Red Cross project assistant. Honor siya sa elementary at high school at graduate ng BS Nutrition sa UP Los Baños. House and lot ang bibilhin ’pag siya’y nanalo para pa rin sa kanyang pamilya.

Show comments