Malapit nang matapos ang buwan ng Abril kaya aligaga na ang mga fans ni Judy Ann Santos. Nagtatanong na sila kung tuloy ba sa Mayo ang altar date ni Juday sa boyfriend nitong si Ryan Agoncillo?
Tikom ang bibig ng mga close friends nina Juday at Ryan. Hindi nila sinasagot ang tanong ng mga reporters kung kailan ang araw ng kasal. Sila ang mga kaibigan na siguradong invited sa secret wedding ng magdyowa.
Walang dapat ipag-alala ang mga tagahanga ni Juday dahil siguradong mapapanood nila sa TV ang wedding of the year. Magbibigay sina Juday at Ryan sa mga showbiz talk shows at news programs ng DVD copies ng mga eksena mula sa kanilang kasal. Makakasiguro kayo na original at hindi pirated ang kopya.
* * *
“At long last mayroon na po kaming Pinoy TV. Meron po kaming TFC for a very long time kaya lang dahil sa kababasa naming magkakapatid ng mga showbiz news online, at awayan/diskusyon/argumento ng mga maka-2 at maka-7, nagkainteres kaming panoorin din ang mga shows ng Pinoy TV. FYI, nandito pala kaming magkakapatid sa Middle East-Bahrain.
Balik sa Pinoy TV at TFC. Sa opinion po namin, may magaganda ring shows ang GMA 7 kumpara sa ABS-CBN. Tuwang-tuwa kami sa Bubble Gang. Hinihintay talaga namin si Angelina at Yaya. Walang kapantay ang Eat Bulaga. Tunay na variety show talaga.
Sa Wowowee kasi, panay sigaw at panay si Willie lang ang magaling. Hindi kagaya sa EB na lahat sila, may moment. Ang mga hosts sa EB, finesse na finesse sa pagsasalita while sa Wowowee, nakakatulilig na, grabe pa kung maka-insulto ang host.
Meron din namang magagandang shows ang ABS gaya ng Tayong Dalawa at May Bukas Pa. Eto na po ang request...maaari po bang bawas-bawasan ang mga advertisements sa PTV?
In fairness sa TFC, minimal lang talaga ang ads nila (mostly announcements lang about Pinoy abroad) which is fair enough dahil in the first place, nagbabayad naman po kami.
Walang humpay na pabalik-balik ang ads sa PTV. Hindi nga po ba bayad na ang PTV ng mga subscribers kaya dapat konti na lang ang ads? In this way, quality-entertainment po talaga ang maibibigay nila sa mga subscribers.
Marami pong salamat at nawa’y magkita tayo sa mga susunod naming bakasyon. Siyempre po, may mahaharbat ka sa amin, hehe. God bless and more power to your carreer and your wards.
P.S. Dito pala si Gladys Guevarra, a few months ago. May chika po ako tungkol sa kanya. Kumanta po ang banda nila dito (Baisan Best Western). Super dinumog talaga sila dahil magaling naman talaga si Gladys.
Kaya lang, hindi nagtagal ang grupo nila dahil may “attitude problem” pala talaga itong si Gladys. Walang pakundangan kung makapagmura kahit nasa stage. May pagka-bastos kasi ang tema nila.
May pagkakataon po na may nag-react sa audience. Hayun po nagkasagutan at nagkagulo. Pareho po sigurong may kasalanan sila kaya lang dapat nakikiramdam po lagi ang entertainer. Lalo na dito sa abroad na iba-ibang lahi ang audience. Siyempre iba-ibang kultura at iba-ibang pag-iisip.”
* * *
Maraming salamat kay Haydee at kung gustong mag-react ni Gladys sa kanyang kuwento, welcome na welcome si Chuchay.
Walang artista na umamin na meron silang attitude problem at sa kaso ni Gladys, karapatan niya na ipagtanggol ang sarili. Baka may dahilan kaya nagkagulo sa concert ang kanyang banda.
Hindi naman siguro magsasalita ang mga miyembro ng banda ni Gladys dahil magmumukhang naninira sila kapag siney nila na talagang may attitude problem si Gladys. Matanong nga ang mga taga-Eat Bulaga.