Ibang klase palang malasing ang isang female TV host dahil literal na nawawala siya sa sarili. Nalilimutan ang ginagawa at lukring talaga.
Ayon sa isang super reliable source, minsang dumating ito sa condo unit ng kanyang boyfriend na kilala rin sa showbiz na lasing na lasing. Pero dahil sa kalasingan, nabuwisit ang boyfriend kaya hindi binuksan ang door ng kanyang condo unit. Sa galit daw ng TV host, kinuha ang fire extinguisher at pilit na pinukpok ang pintuan ng condo na ikinagalit ng mga ibang tenant sa nasabing condo building.
Pero wala raw epek sa boyfriend ang pagwawala ng girlfriend at hindi talaga binuksan ang door ng unit niya hanggang nagsawa ang TV host at napilitang kausapin ng security sa nasabing building dahil nagrereklamo na ang mga neighbors ng boyfriend.
Walang nagawa ang TV host kundi lumayas sa condo at nagsisigaw sa labas habang umiiyak.
Sobra raw talagang ma-in love ang TV host na ito at walang magawa ang mga kaibigan sa kagagahan pagdating sa pag-ibig.
* * *
Dumagsa ang maraming e-mail ng fans ni Marian Rivera matapos nilang malaman na kasama sa gagawing filmfest entry ng kanilang idolo ang bagong ibi-build up ng GMA 7 na si Carla Abellana ng Regal Films.
Iisa ang sinasabi ng mga fans – hindi raw dapat ikinukumpara si Marian kay Carla dahil wala pa namang napapatunayan si Carla samantalang, ang kanilang idolo ay andyan na sa itaas.
Apela nilang ‘wag naman sanang pagkumparahin ang kanilang idolo at si Carla dahil wala pa namang napapatunayan ang anak ni PJ Abellana.