Nawawalan na ng saysay

Nitong nakaraang Semana Santa ang may pinakamaraming celebrities na dumayo sa Boracay, hindi para magtika kundi para gumimik at ilan sa mga ito ay na-involve sa iba’t ibang insidente na hindi maganda.

Since over-populated na ang Bora kapag ganitong panahon, ang iba naman ay nag-iiba ng destinasyon, kung hindi sa ibang bansa ay sa iba’t ibang resort ng Pilipinas naman nagpupunta.

Sa totoo lang, Salve A., nawawalan na ng saysay ang tunay na kahulugan ng Semana Santa sa ating mga celebrities dahil sa halip na mamanata, magsisi, magtika at magsimba, iba na ang kanilang ginagawa kapag dumarating ang ganitong panahon — bakasyon, lakwatsa at pagsasaya at hindi na nakasentro sa kahalagahan ng Holy Week.

Malaki na talaga ang ipinagbago ng panahon!

* * *

Speaking of Holy Week, isinama namin sa aming hometown sa Borongan, Eastern Samar ang ating matalik na kaibigan at kasamahan sa panulat na si Ronald Constantino para doon magpalipas ng Mahal na Araw. Limang araw din kaming namalagi sa Borongan, same town ng kilala at respetadong TV host na si Boy Abunda.

Naipasyal namin si Ronald sa town proper ng Borongan at mga karatig lugar maging sa aming simbahan, town plaza, palengke, uptown mall, sa mga karatig na isla tulad ng Monbon Fish Sanctuary, Puro Halaba at Puro Halipot at iba pang lugar. Napuntahan din namin ang newly-renovated ancestral house nina Boy sa Campesao na may nakaukit sa may main entrance ng bahay na ‘Balay ni Nanay Lising’(Bahay ni Nanay Lising), ang ulirang ina at dating vice mayor ng Borongan.

Maging sa kanyang napakagandang beach house sa Rawis ay na-entertain kami nang husto ng nakatatandang kapatid ni Boy, ang ever-accommodating na si Vice Mayor Fe Abunda.

Napuntahan din namin ang Pirates’ Cove Beach Resort na dinibelop ng isang Australyano na may asawang Pinay na taga-Borongan. Nagmagandang-loob din sa amin ang governor ng Eastern Samar na si Gov. Ben Evardone na siyang nag-provide sa amin ng service.

Although nakaapela pa ang tuluyang pagiging siyudad ng Borongan (capital town ng Eastern Samar), napakalaki na rin ng improvement sa aming lugar. Ang nakakalungkot lang, tuluyan nang nawala ang direktang flight mula Maynila hanggang Borongan ng Sea Air kaya via Tacloban pa rin ang eroplano mula Maynila sa pamamagitan ng PAL at Cebu Pacific. Pero may alternatibong paraan para marating ang Borongan, sa pamamagitan ng barko (Manila to Catbalogan) at land trip naman mula Catbalogan hanggang Borongan. Meron ding direktang land travel mula Maynila hanggang Borongan na tatagal naman sa loob ng isang araw.

Bukod sa nakita ni Ronald ang Borongan na aming pinagmulan ni Boy, natik­man din niya ang sari-saring mga pagkain at kakanin sa aming lugar.

* * *

Tuloy na tuloy na ang pagsasama sa pelikula ng ex-lovers na sina Richard Gutierrez at Anne Curtis under GMA Films na ididirek ni Maryo J. de los Reyes.

Kahit identified ngayon si Anne sa ABS-CBN, walang problema ang kanyang paggawa ng pelikula sa GMA Films dahil ang Viva Entertainment ang nagma-manage sa kanya. Sa GMA rin nagsimula si Anne nung Anna Karenina days pa bago ito lumipat ng ABS-CBN. Sa GMA rin nabuo ang love affair nila ni Richard hanggang sa sila’y mag-break. Pero ang maganda, naghiwalay man sila, nanatili ang kanilang pagiging close ganoon din ang pagiging close ni Anne sa Gutierrez Family hanggang ngayon.

* * *

Nalulungkot kami para sa aming kapwa Waray na si Ted Failon at sa asawa nitong ni Trina Etong.

Dahil kilalang radio and TV personality si Ted at kalunus-lunos ang nangyari sa kanyang misis, dagdag na problema ang pasan-pasan ni Ted dahil sa treatment ng imbestigasyon sa kanya at sa kanyang mga kasambahay.

Kung si Ted nga na isang kilala at respetadong radio at TV broadcaster ay hindi maganda ang trato ng mga nag-imbestiga, how much more ang mga ordinaryong mamamayan na nasasangkot sa ganitong sitwasyon?

Awang-awa kami kay Ted dahil sa unang gabi pa lamang ng imbestigasyon ay namalagi siya sa presinto sa loob ng maraming oras, samantalang kanyang mga kasamahan ay mas maagang pinauwi.

Sa early part pa lamang ng imbestigasyon ay kung anu-anong ispekulasyon kaagad ang lumutang na kesyo binaril ni Ted ang kanyang misis. Napakinggan pa namin si Ted sa radio nung Miyerkules ng umaga. Magtatapos na lamang halos ang kanilang programa ni Korina Sanchez ng alas-10:30 ng umaga ay hindi na niya ito natapos dahil kailangan niyang umuwi kaagad ng bahay. Si Ted at apat nitong mga kasambahay ay sumailim sa paraffin test na kahit negatibo ang resulta ay patuloy silang sumasailalim ng imbestigasyon.

 Habang nasa kritikal na kundisyon ang kanyang misis, hanggang bawian ng buhay, nanatili ng mahigit siyam na oras sa Camp Karingal.

Kami ay umaasa at nananalangin na malampasang lahat ni Ted at ng kanyang pamilya ang trahedyang kanilang kinakaharap ngayon.

* * *

a_amoyo@pimsi.net

Show comments