P25-milyong libel, PEP tinuluyan ni Richard

MANILA, Philippines - Isinampa na kahapon ng aktor na si Richard Gutierrez sa Makati City Prosecutor’s Office ang P25 milyong libel suit laban sa mga editor at writer ng Philippine Entertainment Portal (PEP).

Kabilang sa kinasuhan ni Richard sina Jo-Ann Maglipon, editor-in-chief ng PEP; Karen Pagsulingan, managing editor; at Ferdinand Godinez, staff writer.

Tinanggap ni 2nd Assistant City Prosecutor Christopher Garvida ang mga dokumentong inihain ni Richard kaugnay ng kanyang demanda.

Itinuloy ni Richard ang demanda kahit nagpalabas na ng public apology ang PEP.

Inireklamo ni Richard ang isang malisyosong artikulo sa PEP na nagsasaad na nakipag-away umano siya sa isa pang aktor na si Michael Flores sa Oceana Restaurant sa Roxas Boulevard, Pasay City na umabot sa tutukan ng baril na umano’y naganap sa birthday party ng GMA 7 director na si Mark Reyes.

Sinabi ni Richard sa demanda na iresponsable ang artikulo dahil may malisya at walang katotohanan ang awayan.

“Matagal kong inalagaan ang pangalan ko pati ang reputasyon ko. Hindi ako papayag na basta-basta na lang nila sirain nang ganoon,” sabi ni Richard sa isang naunang panayam.

Inilabas ng PEP noong nakaraang buwan ang artikulo na nagpapahiwatig ng mga panunutok ng baril sa naganap na birthday celebration ni direk Reyes.

Ayon sa report ng PEP, tinutukan ni Richard ng baril si Flores matapos mag-away.

Sinasabi ng PEP na meron itong dalawang testigo na nagpapatunay sa report pero pinabulaanan ito ng dalawang aktor.

Humingi ng paumanhin si Maglipon sa pagkakaposte ng artikulo sa website ng PEP pero hindi kuntento si Richard at ang kanyang pamilya dahil hindi naman nag-retract ang PEP.

Kasamang naghain ng demanda ni Richard sa Makati ang kanyang pamilya ganap na 2:30 p.m. ang mga magulang na sina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama, kakambal na si Raymond at isa sa magiging testigo na si Bubbles Paraiso.

Ayon kay Ms. Annabelle, isa lang si Bubbles sa mga testigo nila dahil nakatakda ring mag-submit ng kanilang kanya-kanyang affidavit sina Michael Flores, direk Mark, Epi Quizon at iba pang saksi sa mga nangyari.     — LORDETH BONILLA

Show comments