Bukod sa pagdarasal at paggunita ng mga pinagdaanan ng Panginoon nung panahon Niya ang siyang buod ng Semana Santa. Panonood ng pelikula ang ginawa ko nitong nakaraang mga araw.
May mga cable channels na nagpalabas ng mga magaganda at ‘di ko pa napapanood nung Biyernes Santo.
Hindi ko inisip na mai-excite pa ako sa muling panonood ng The Ten Commandments pero, panibagong high ang ibinigay sa akin ng movie na natatandaan ko ay isang taong ipinalabas sa isang sinehan sa Maynila.
Nakakapanindig balahibo pa rin ‘yung paghahati ng Red Sea para makalusot lamang ang grupo ni Moses na ginagampanan ni Charlton Heston sa mga humahabol na sundalo na pinamumunuan naman ni Yul Brynner. Ang galing ng aktor na ito na gumanap na hari ng Ehipto pero, sunud-sunuran lamang sa kanyang asawa. Gusto ko nang finally ay aminin niya na ang Diyos ni Moses ang tunay na Diyos.
It was not my first time na mapanood si Yul Brynner at kung nagagalit ako sa kanya sa The Ten Commandments, aliw naman ako sa kanya bilang hari ng Siam, ngayon ay Thailand, sa The King & I kapartner ni Deborah Kerr. Pinanood ko rin ang isa pang bersyon ng pelikula na sina Chao Yun Fat at Jodie Foster naman ang mga bida. First time ko na humanga sa Chinese martial artist na palagi na lamang nakikipaglaban sa mga madudugong pelikula pero, si Jodie, matagal ko nang tinanggap na isang mahusay na aktres.
Nung gabi ng Biyernes Santo, nakapanood naman ako ng isang mahabang pelikula tungkol sa Sagradong Pamilya nina Joseph, Mary and Jesus. Isa itong Spanish movie na talaga namang pinili na ata ang pinaka-magandang aktres sa buong Espanya para gumanap ng role ni Maria. Talagang ang ganda niya at magaling sila ng aktor na gumanap ng role ni Joseph.
Sa pelikula ko lamang nalaman na biyudo si Joseph, may tatlong anak, sina Jaime, Judas at Sarah bago niya pinakasalan ang buntis nang si Maria. Kahit na alas-kwatro na ng umaga ay hindi ko pa binitawan ang movie hanggang sa matapos ito. Ganun ito ka-interesting at ka-informative.
The movie showed that as early as 10 years old ay nagpapamalas na ng milagro si Jesus, kaya lahat ng puntahan nila ay pinapalayas sila dahil sa pambihira nitong galing. Sa panahon ding ito namatay si Joseph na simula’t sapul ay alam ni Jesus na hindi niya ama pero ibinigay niya ang lahat niyang respeto at pagmamahal dito.
Ewan ko kayo kung ano ang pinanood n’yo. Sana katulad ko rin kayo na nadagdagan ang dunong at mas lumakas ang pananampalataya sa mga makabuluhang pelikula na napanood ko.
* * *
Nung Black Saturday, habang naghahanap ako ng mapapanood sa TV, napunta ako sa Hallmark Channel na kung saan ipinalalabas ang episode ni Oprah Winfrey na guest si Charice Pempengco.
Kahit humahataw ang career niya sa Amerika, may malungkot din pala siyang istorya at ito ay isinalaysay niya sa programa ng sikat na si Oprah. Itambal mo ito sa isang napaka-gandang boses at mahuhulaan mo na kung bakit nagsisimulang magtagumpay ang 16 na taong gulang na singer.
Miminsan ko lamang narinig kumanta si Charice at kung hindi man ako lubos na humanga sa kanya nung una, dito sa programa ni Oprah, napaka-galing na niya.
Marami nang local artists ang nasa YouTube pero isa si Charice sa sumikat na sa tulong ngayon ni David Foster.