Mga host walang malay na muntik patayin ang kanilang show
Hindi alam ng hosts ng isang show sa major network na muntik tsugihin ang kanilang show at kasama sila sa mawawala kundi nag-improve ang rating ng show nila. Lingid sa kaalaman ng hosts, director at staff, nakalatag na ang concept ng papalit na show, may title na at may napili ng hosts sa bagong programa.
Inayos na kung saan ilalagay ang hosts na mawawalan ng show para hindi masabing basta na lang silang niligwak ng network. Hindi alam nang isa sa ilalagay na host sa kino-conceptualized na show na kung natuloy ang plano, tatlo na sana ang regular shows niya.
Kaya lang, bago pa man patayin ang show, tumaas uli ang ratings nito. On-hold ang planong tsugihin ang show habang steady na uli ang ratings nito.
* * *
Nakakatuwa ang fans nina Angel Locsin at Marian Rivera dahil hanggang ngayon, pinagsasabong pa rin sila. Ginawang isyu ng kani-kanyang fans ang mga pelikulang nakatakdang gawin ng dalawa.
Kinakantyawan ng fans ni Angel ang fans ni Marian dahil si Vhong Navarro ‘lang’ daw ang makaka-pareha ni Marian sa movie sa Regal, samantalang si Angel, si Aga Muhlach ang leading man sa Star Cinema movie na sa April 26 na raw ng first shooting day.
Siguradong mag-i-escalate ang parinigan ng dalawang kampo kung totoong Darna ang next project ni Marian after Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang. Tiyak na magkakaroon ng comparison sa dalawang actress, mula sa kung sino ang mas sexy sa Darna costume, sino ang mas magaling sa fight scene at kung kaninong Darna ang mas mataas ang rating sa pilot episode. Knowing the fans, hindi sila mauubusan nang isyung pag-aawayan ng wala lang!
Pero ayaw pang kumpirmahin ni Marian kung Darna nga ang next project niya although sa binanggit na clues, ito na ang gagawin niya. After Ang Babaeng…, paghahandaan na niya ang next soap na “pambata, light, pero mabigat.”
Samantala sa Ang Babaeng…, ngayong Lunes, si Proserfina (Marian) ang sisisihin ni Heleen (Angelu de Leon) nang siya’y makunan. Nagbanta itong gaganti sa dalaga.
* * *
Birthday ni Lani Mercado this Monday at 41 years old na siya. Marami sa kababayan niya sa Bacoor ang excited kung ngayong araw na niya ihahayag kung muli siyang sasabak sa pulitika at tatakbo bilang Kongresista.
From a source, mula nang mabuo ang bagong distrito ng Bacoor, dumarami ang humihimok kay Lani na muling pumasok sa pulitika. Kabilang dito ang Liga ng mga Barangay Captain ng Bacoor at ang 73 na kasapi sa pangunguna ni Kapitan Reynaldo Palabrica. Sila ang pormal na bumuo ng resolusyon na nagdedeklara ng suporta nila kay Lani. Bukas ang misis ni Bong Revilla sa anumang posibilidad.
Last month, nalibot ni Lani ang buong Bacoor dahil naimbitahan siyang maging commencement speaker sa graduation ng maraming eskwelahan. Siya rin ang nag-represent kay Bong sa pagdi-distribute ng medals of excellence at financial help sa honor graduates.
- Latest