Charlene pwedeng role model ng mga artista

Lalo akong humanga kay Charlene Gonzales nang mabalitaan ko na nagpunta siya sa Boston para mag-aral ng Business Manage­ment Entrepreneurship sa Harvard Business School.

Dapat tularan si Charlene ng ibang artista. Hindi siya nakuntento sa pagiging housewife at ina dahil pinili niya na mag-aral, itsurang nakatapos na siya ng ibang kurso.

Ibang-iba si Charlene sa mga artista na mahilig sa cheap gimmicks at publicity. Sila yung mga artista na ginawang basehan ng kasikatan ang pagiging maingay ng kanilang name dahil nasasangkot sila sa mga eskandalo.

Tahimik lang si Charlene pero maraming magandang nangyayari sa kanyang buhay. Nag-aaral siya at nag-aasikaso sa kanyang asawa at mga anak kaya nakuha niya ang respeto ng publiko.

* * *

Si Nanette Medved ang naalaala ko nang mabasa ko ang pag-aaral ni Charlene sa Harvard Business School.

Nag-aral din si Nanette sa Boston at nakatapos siya ng kurso sa Babson University. Imbes na magmukmok noong down ang kanyang showbiz career, nag-aral si Nanette sa Amerika at nakatapos siya.

Kita n’yo naman, ang ganda-ganda ngayon ng buhay ni Nanette. May mga offer sa kanya na lumabas sa TV at mag-endorse ng anik-anik na product pero siya ang tumatanggi.

Maligaya na siya sa pag-aasikaso sa kanyang asawang si Cris Po at sa kanilang dalawang anak.

Hindi nawawalan ng ginagawa si Nanette dahil tumutulong siya sa asawa niya sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.

Ang mga katulad nina Nanette at Charlene ang dapat na role model ng mga young actress na tumigil sa pag-aaral dahil kinain na ng sistema ng showbiz.

* * *

Nag-email sa akin ang reader na si Anthony Ny. Nabalitaan ni Anthony na mahilig ako sa mga aso kaya naglalambing siya na suportahan ko ang Animal Kingdom Foundation na may website address na www.animalkingdomfoundation.org.

Hinihingi ng Animal Kingdom Foundation ang suporta ng mga kilalang personalidad para maitaguyod nila ang kanilang mga project.

Napag-uusapan na rin lang ang mga aso, napagalitan ko si Booba dahil sinira niya ang dingding ng bahay ko.

Aso si Booba na bigay sa akin ni Rufa Mae Quinto. Nang matanggap ko siya, Buenavista ang pangalan na ibinigay ko sa pasaway na aso.

Pasaway dahil kapag tinatawag ko siya na Buenavista, dedma ang aso pero nang tawagin ko siya na Booba, nagre-react siya.

Gusto talaga siguro ni Booba na maging kapangalan siya ng karakter na ginampanan ni Rufa Mae sa pelikula kaya mula noon, Booba na ang kanyang pangalan.

Kesehodang Holy Week, pinagalitan ko si Booba dahil sinira niya ang dingding ng bahay ko. Manang-mana siya sa pagiging pasaway ni Rufa Mae!

* * *

Totoo pala ang hamon ni John Lapus na magharap uli sila ni BB Gandanghari sa Showbiz Central sa Easter Sunday.

Hindi raw matanggap ni Sweet na natal­bugan siya ni BB na tatlong beses na nagpalit ng damit na gawa ni Rajo Laurel.

Balak yata ni Sweet na magpakababae rin sa Showbiz Central sa Linggo pero gagawin niya ‘yon kung co-host uli si BB na tunay na girl ang pakiramdam sa sarili, pati na sa isip, salita at gawa. May dahilan talaga para ma-shock ang kanyang mga kapatid na sina Robin, Rommel at Royette Padilla.

Show comments