Bumata ng ilang taon si Katrina Halili dahil nagpagupit siya ng buhok. Katwiran niya sa new look ay para baguhin ang sarili.
‘‘Lahat ng stress na nakakapit sa aking buhok ay nawala at ayaw ko nang mag-isip ng problema. At 23, enjoy ako sa aking buhay at hindi muna ako tatanggap ng manliligaw. Mahirap magtiwala sa lalaki,’’ anang aktres.
Nagtatawagan naman sila at nagte-text ng ex-MU na si Kris Lawrence pero magkaibigan na lang sila.
Habang wala pang naka-line-up na project ay may time ang aktres para magpapayat. Nagda-diet ito at nage-exercise.
May itatayo itong negosyo sa Meycauayan, Bulacan na kasosyo ang isang gay friend, isang bar na papangalanan niyang Rendezvous.
* * *
Malaki ang pasasalamat ng anim na direktor na sina Joel Lamangan, Soxy Topacio, Lore Reyes, Peque Gallaga, Mel Chionglo at Maryo J. delos Reyes kay Tony Tuviera ng APT Entertainment dahil sa proyektong Sine Direk Series. Hindi nagdalawang isip ang prodyuser nang makipag-meeting ang mga direktor sa kanya para gumawa ng mga pelikula para suportahan ang scholarship foundation sa pamumuno ni direk Tony Reyes kung saan nabibiyayaan ang mga anak ng manggagawa ng pelikulang Pilipino.
Si Tony ang pangulo ng Directors Guild of the Philippines (DGPI) na punung-abala sa pagpili ng mga scholars.
Sa mababang budget, makabuluhan ang anim na pelikula na pinamagatang Fuschia, Ded na si Lolo, Litsonero, Agaton and Mindy, Bente at Kamoteng Kahoy. Tatlo sa mga pelikula ay isusulat ni Ricky Lee.
Isa rin sa magandang layunin ng Sine Direk Series ay pabalikin ang sigla ng industriya ng pelikulang Tagalog sa pagtatampok sa anim na pelikula na magsisimula sa April 29 hanggang June 9, 2009 at ipalalabas sa SM Cinemas.
* * *
Nakausap namin si Keempee de Leon na ngayon ay gumaganap na straight guy sa All About Eve. Sinabi namin na sumusunod sa kanyang yapak sa bading na karakter si Paolo Ballesteros dahil idol siya nito.
‘‘Nakaka-flatter naman yung sinabi niya,’’ anang Keempee.
Tinanong namin kung totoo bang bading si Paolo kahit isang binatang-ama.
Natawa si Keempee sabay sabing ‘‘Ewan ko! Bakit hindi siya ang tanungin n’yo?’’
Sa kabilang banda, sinabi ni Paolo na parang nadadala niya ang bading na karakter kahit hindi na siya umaarte. Hindi namin alam kung nagbibiro ito.
* * *
Isang masayang panoorin ang hatid ng Faces of Rock, isang concert na produced ng Jampack Events and Production Company ni Dr. Warren. Isa kasi itong Pinoy rock evolution na magsisimula sa 1970s (Juan dela Cruz na trio nina Joey “Pepe’’ Smith, Mike Hanopol, at Wally Gonzales), 1980s ng The Dawn, 1990s ng Parokya ni Edgar at hanggang 2000s ng Callalily.
Guest ang Bojo Band sa pamumuno ni Jojo de Dios.
Mapapanood ito sa April 17 sa Marikina Sports Park sa direksyon ni Elmer de Vera.