Lito Pimentel sugatan sa rambol

MANILA, Philippines - Nasugatan ang aktor na si Lito Pimentel (Joselito Ramirez sa tunay na pangalan) nang mapalo siya ng isang pull bar sa isang awayan sa Quezon City kahapon ng madaling araw. Si Pimentel, 45 anyos at residente ng 10 Evergreen Place, Commonwealth, Quezon City ay nagtamo ng mga sugat sa ulo at mukha. Bahagyang nasugatan sina Martin Allen de Guzman, 26, at Roman Lacap, 27, kapwa residente ng 12th Avenue, Barangay Socorro, Cubao sa naturang lungsod.

Nauna rito, nagtungo si Pimentel sa bahay ni De Guzman para hanapin at kausapin ang dati niyang live-in partner. Tumanggi sina de Guzman at Lacap na papasukin sa bahay si Pimentel baga­ma’t nasa loob ang taong hinahanap ng aktor. 

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang tatlong lalaki hanggang sa magpambuno sila at masugatan si Pimentel sa pull bar na inihataw sa kanya. 

Humingi naman agad si Pimentel ng tulong sa malapit na himpilan ng pulisya. Inimbitahan sa presinto ang tatlong lalaki pero hindi sila magkasundo at sa halip, nagbanta sila na idede­manda ang isa’t isa. (ANGIE DELA CRUZ)  

Show comments