Masaya si Richard Gomez sa kabila ng malapit nang mawala sa ere ang hino-host niyang game show sa GMA 7, ang Family Feud.
“Talaga namang when I started with the show ay alam kong hanggang one season lamang ito. Ibinigay lamang naman ito sa akin ng GMA dahil nung lumipat ako dito from ABS-CBN in 2000 ay nagsabi ako sa kanila na gusto kong mag-host ng isang game show o reality show. Ibinigay naman nila sa akin ang Family Feud where I showed to them and to all my true self.
“Matagal na akong artista pero parang sa Family Feud lang nakita ng mga tao na hindi pala ako totoong suplado. Sa show kasi, hindi ako kailangang umarte, puwede kong ipakita ang totoong ako na nagustuhan naman ng tao dahil tumaas ang ratings ng show, hindi na ito tinatalo ng katapat na programa sa kabila,” sabi ni Richard na inalok na maging host ng isa pa uling show, ang Who Wants To Be a Millionaire pero tumanggi siya.
Bagama’t maganda ang role na ginagampanan niya sa All About Eve, inamin niyang walang bago sa kanyang role.
“Walang challenge, I have done the same role before,” pagtatapat niya. Ang ikinatutuwa niya sa pagkakasama sa serye ay ang pangyayaring magagaling ang mga kasama niya.
“I have worked with Jean (Garcia) in Impaktita before. Bago pa lamang siya nun pero magaling na. Magtatagal pa siya sa industriya.
“Si Sunshine (Dizon), nagtatrabaho talaga. Magaling na nagtatrabaho pa. Pero hindi ako sang-ayon na lahat ng kasama ko sa series ay magagaling, prangka niyang sinabi bagama’t ayaw niyang pangalanan kung sino ang sinasabi niyang kasamahan niya na hindi magaling.
Tungkol naman sa planong muling pagtatambal sa kanila ni Sharon Cuneta, sinabi niyang, “Ayaw ko nang i-push ang project. Kung hindi sila interesado, huwag na lang!”
Sa halip, mas gusto niyang gawin ang isang indie film na ididirek ni Mel Chionglo at isa sa anim na full-length film na kasama sa Sine Direk Series na mapapanood sa Abril 29-Hunyo 9 sa mga sinehan ng SM. Gustung-gusto niya ang pelikula kung kaya ibibigay niya ang kanyang serbisyong libre! Siya pa mismo ang tumawag kay Tony Tuviera para sabihin ito. Ang kumpanya ni Tuviera na APT Productions at ang Directors’ Guild of the Philippines (DGPI) ang magkatulong na nagtataguyod ng Sine Direk Series. Isang assassin ang role na gagampanan ni Richard sa pelikula na pinamagatang Bente.
Nakatakdang umalis si Richard kasama ang kanyang asawa’t anak para pumunta ng Las Vegas.
“Eleventh anniversary namin ni Lucy sa 28th kaya I’m going to bring her and our daughter to Las Vegas para panoorin ang laban ni Manny Pacquiao. Hindi ko pa alam kung ano pa ang mga gagawin namin dun pero we will have a celebration. Bihira sa showbiz ang relationship na tumatagal ng 11 years pero kami ni Lucy, ang line of communication namin has always been open. Mas matanda ako ng nine years sa asawa ko pero pareho ang wavelength namin. I love the way Lucy looks at life, very positive siya,” pagmamalaki ni Richard.
* * *
Ang pelikulang Ded na si Lolo na sinulat at dinirek ni Soxy Topacio at kasama sa Sine Direk Series ay kwento ng pamilya ni direk Soxy, ang pamilya Hernandez. Mga kapatid at tiyahin niya ang mga character sa pelikula na lahat pawang may mga ibinibenta. May nagtitinda ng karne, prutas, ulam, at gulay. May isang impersonator na “kaligayahan” naman ang ibinibenta sa kanyang audience.
Lahat ng magpapamilya ay nagkita-kita sa burol ni “lolo.” Istorya ito kung paano ipinagluksa ng pamilya ang pagkawala ng isang mahal sa buhay. Ang mga pamahiin na ating sinusunod tungkol sa patay. Ang character na ginagampanan ni BJ Forbes ay si direk Soxie sa totoong buhay.
* * *
Sayang at hindi pagdudoktor ang pinu-pursue ni Charlene Gonzales-Muhlach sa pagpasok niya sa Harvard kundi isang short business course.
Isang buwan siyang mawawala para mag-aral nito. Alam ko na medicine ang gustong pag-aralan ng misis ni Aga Muhlach before she got married at ngayong kaya na ng panahon niya at bulsa ang medical course, dahil malalaki na rin ang kambal na sina Atasha at Andres, at saka nagbago ang kanyang preference. Sayang dahil kaya rin ng brains niya ang mag-doktor.
* * *
Sina Bb Gandanghari at Nadia Montenegro ang pagtutuunan ng pansin ngayong hapon sa Showbiz Central.
Makakuha kaya sila ng mga nakakaintrigang istorya sa dalawang ito na lately ay parang nagtikom na ng mga bibig at ayaw nang makisawsaw sa gulo ng showbiz?