MANILA, Philippines - Tinatawagan ang lahat ng amateur at professional photographer!
Naglunsad ng isang photo competition ang Manila Broadcasting Company kaugnay ng muling pagtatanghal ng Aliwan Fiesta sa ika-23-25 ng Abril.
Ang paligsahan sa husay ng pagkuha ng litrato ay may temang Sining Makulay — bilang pagkilala sa mataas na antas ng paglikhang ipinapamalas nating mga Pinoy, maging sa sayaw, sa float design, at iba pang sining na binibigyang pansin sa Aliwan Fiesta. Maaring gumamit ng digital o film-based na kamera. Ilagay sa 8R size ang mga lahok na de-kolor. Dapat kuha ang litrato sa araw ng parada, na magsisimula sa harap ng Aliw Theater ng alas-kuwatro ng hapon at matatapos sa Quirino Grandstand.
Tig-tatlong entry lamang ang tatanggapin mula sa bawat sasali. Dapat hindi pa nagwagi sa ibang kumpetisyon, ni lumabas sa anumang babasahin ang letratong ilalahok. Lakipan ng entry form na maaring ma-download sa http://www.aliwanfiesta.com.ph kasama ng iba pang detalye ukol sa kumpetisyon. Dalhin kay Eloi Baltazar sa tanggapan ng MBC bago mag-ika15 ng Mayo.
Fifty thousand ang nakalaan sa magwawagi, P25,000 sa ikalawang puwesto at P10,000 sa third prize. Lahat ng mga litrato ay magiging pag-aari ng MBC.
Ang mayroong katanungan ay maaring tumawag sa telepono bilang 8326125/6803477 o kaya’y mag-email sa siarcega@ambcradio.net.