Kung noong pa-Christmas party ng TV5 ay ang branded na sapatos ni Gretchen Barretto ang ipina-raffle sa entertainment press, sa launch ng kanyang second album sa Star Records na pinamagatang Complicated, dalawang singsing ang ipinamigay niya na ang isa ay tatak Bulgari.
Tatlong beses siyang pumili ng mga pangalan ng random sa press na dumalo sa launching pero ang mga tinawag ay wala na sa venue kaya nagpasya si Gretchen na ipamigay na lamang ang singing at ang napili niyang pagbigyan ay sina Chit Ramos ng Tempo at Aster Amoyo ng dyaryong ito.
Tulad ng kanyang naunang album na isa nang platinum, maganda rin ang pangalawa, nagtataglay ito ng 14 na awitin na ang ilan ay This Far, Don’t Say Goodbye, Special Memory, Tell Me, I’ll Be There For You, Memories, at marami pang iba. Ang carrier single ay Ready to Take a Chance Again.
Lahat ng awitin ay inamin ni Gretchen na may mahalagang bahagi sa kanyang buhay. Ang I’ll Be there For You ay nagpapaalala sa kanya sa anak niyang si Dominique. Sinabi niya ang paborito ni Tony Boy Cojuangco ay ang The Trouble With Hello is Goodbye pero pinalitan niya ng Tell Me dahil paos siya, hindi niya yun makakanta.
Sa lahat ng mga singers, marahil si Gretchen ang pinaka-least na matatawag na singer pero nakakagulat siya dahil sa launch ng two albums niya, kinanta niya ng a capella ang mga kanta sa album. At kahit sinabi niyang may sakit siya, paos at walang boses, nakanta niya ng maganda ang ilan sa mga awitin niya.
At 39, napakaganda pa rin ni Gretchen, parang dalaga gayong may anak nang nagdadalaga. Napaka-chic niya sa suot niyang puting Plains & Prints dress na tinernuhan niya ng black and white accessories and wedge shoes. Aliw ako sa kanya dahil kapag nagpapaalam siya to take a sip of water, halos maubos niya ang may kalakihang bote ng Evian water na dala na niya nang pumasok siya sa lugar ng launching. Sinabi niya, muntik nang ’di matuloy ang launching dahil paos siya, walang boses.
“Binasa kasi nila ako habang kinukunan ang aking music video. Isang linggo na akong walang boses,” paliwanag niya.
Speaking of her Complicated music video featuring the song Ready to Take a Chance Again, walang entertainment writer na nasa launching ang hindi nagsabi na napaka-sensual ng music video na nagpapakita kay Gretchen na inaakit ang isang guwapong lalaki. Meron silang parang kissing scene na sinabi ni Gretchen na hindi isang kiss dahil hindi naglapat ang kanilang mga labi ng lalaking kapareha niya na isang dayuhan.
Nang tanungin kung ano sa akala niya ang magiging reaksyon ni Tony Boy sa nasabing music video na sexy at sensual, “Wala dahil hindi naman niya yun mapapanood. Hindi siya nanonood ng TV kung hindi news,” sey ni Greta.
Okay interbyuhin si Gretchen dahil lahat ng tanong ay sinasagot niya, maging yung mga dapat i-off the record.
Bawat tanong ay tinatrato niyang napaka-personal pero sinasagot niya ng maganda, and lenghtily. Kahit sinisenyasan na siya ng Star Records na huwag masyadong magsasalita dahil nga may sakit siya ay hindi niya gaanong pinansin at ipinagpatuloy niya ang pagsagot sa mga tanong sa kanya. Kung may tatlong tanong siyang hindi sinagot sa programang The Buzz, sinagot niya ito sa kanyang album launch.
* * *
Parang nakakainis yung mabilis na pagkatapos ng episode ng Tayong Dalawa nung Martes ng gabi kung kailan pa naman nalaman na ng lahat sa serye na buhay at hindi pala namatay si David Garcia, Jr. (Jake Cuenca). Sa pagkakatuwa ng mga characters nina Alessandra de Rossi at Coco Martin sa nangyari, matinding kalungkutan naman ang daranasin nina JR (Gerald Anderson) at Audrey (Kim Chiu) sa pangyayaring ito gayong “patay” na si Dave nang magkaro’n sila ng relasyon.
Ano ang isang tagpo sa pagitan nina JR at Audrey na hindi matatanggap ni Dave?
* * *
Pasasalamat at pakikiramay: Isang taos-pusong pasasalamat sa mga dumalo sa simpleng selebrasyon ng aking anak na si Ma. Lian Melissa R. Samio na nakapasa kamakailan sa medical licensure board. Double celebration ang nangyari dahil birthday din niya noong Linggo.
Salamat kay Manay Ethel Ramos na hindi lumalabas ng bahay tuwing Linggo pero dumating sa aking napakalayong lugar sa North Olympus, Novaliches. Sa mga taga-Pilipino Star Ngayon sa pamumuno nina Salve Asis, Lanie Sapitanan at Beth Meraña; mga bruhang sekretarya ni German Moreno na sina Carmelites Rigonan at Chuchi Fajardo; Jim Acosta at mga kasama; Rey Pumaloy na ninong sa kumpil ng anak ko; mga movie writers na sina Danny Vivas at Virgie Balatico; mga kapitbahay ko sa Project 3 na kung saan ay matagal akong tumira at sa mga bagong kapitbahay ko sa North Olympus; mga malalapit na kamag-anak at mga kaibigan; mga dating kaeskwela ng may selebrasyon at ang kanyang mga bagong kaibigan at kasamahan sa Rizal Medical Center; at ang mga nag-ambag nung nagsisimula pa lamang ang anak ko sa medical school.
Isang taos-pusong pakikiramay naman ang ipinaabot ko kay direktor Cathy Garcia-Molina, sa kanilang mga anak at kamag-anak sa maagang pagyao ng kanyang pinakamamahal na asawa.