MANILA, Philippines - Swak sa Mahal na Araw ang indie film na Pasang Krus starring Rosanna Roces (graded B ng Cinema Evaluation Board).
Kuwento ng pagdurusa ng isang ina dahil sa kahirapan - ng kanyang mga anak na mga naligaw ng landas matapos barilin ang kanilang ama dahil sa away sa lupa.
Background ng kuwento nang tumakas ang buntis na si Rosanna bitbit ang apat na anak dahil sa pangangamkam ng lupa ng pulitiko sa kanilang bayan. Sa pagtakas nila, nadala nila lahat ng dokumento ng mga lupain.
Magri-report sana sila sa pulis pero nakita nilang ang mismong bumaril sa kanyang asawa ang nasa presinto kaya nag-desisyon silang umalis na lang. Habang nagmamadali silang tumakas, nahiwalay ang anak niyang panganay dala ang bag na may mga dokumento.
Wala na siyang chance na hanapin kaya nag-decide na lang silang umalis kasama ang tatlong anak. Napadpad sila sa Maynila. Pero habang naghahanap sila ng pupuntahan ay biglang nawala ang isa pa niyang kasamang anak na babae, si Adora.
Wala na naman siyang nagawa dahil ang laki ng tiyan niya, bitbit pa ang dalawang anak.
Hanggang inabot ng panganganak sa kalsada. May isang nagmagandang loob at pinatira sila sa dating kulungan ng baboy.
Hanggang lumaki na ang natira na niyang anak na bale tatlo na lang - lahat lalaki.
Dahil sa sobrang hirap ng buhay, napasok sa kung anu-anong illegal na gawain ang mga ito. Ang isa, nakulong dahil napatay ang asawang nangaliwa, ang isa naging snatcher hanggang nasama sa kidnap for ransom pero sa kasamaang palad ay nabaril. Ang anak naman niyang bunso ay ginamit para magtulak ng droga pero binalikan siya ng mga nag-utos sa kanya dahil isinumbong niya. Pinatay din ito.
Ang anak niyang babaeng nawala ay biglang nakita nila sa TV na nanawagan sa pamilya. May sakit ito sa kidney at kailangang operahan. May mga tumulong para mapaopera si Adora na ginampanan ni Lorraine Shuck.
Pero hindi sumuko si Rosanna. Hindi rin siya nag-give up sa paghingi ng tulong sa Diyos at naniniwalang darating ang oras na matatapos din ang kanyang pasang krus.
Nagkatotoo naman, dahil ang nawawala niya palang panganay na anak ay nakapag-aral sa tulong ng mag-asawang umampon sa kanya at nakuha ang mga lupang kinamkam ng congressman sa kanilang bayan. Na-elect din siyang konsehal.
Medyo gamit na ang kuwento ng pelikula.
Nakulangan din ako sa acting ni Rosanna. Naghihintay kami ng matinding eksena mula sa nagbabalik na aktres. Parang mas magaling siya noon.
Maiksi lang din ang role nina Joross Gamboa at Jao Mapa. Si Ketchup Eusebio lang ang medyo mahaba-haba ang role pero namatay naman siya.
Pero kung hanap ninyo ay kuwento ng paghihirap na hindi nawawalan ng pag-asa, watch ninyo ang Pasang Krus na dinirek ni Buboy Tan.