Jerry Yan balik-TV
MANILA, Philippines - Ito na ang pagsasanib puwersang ‘di mo dapat palampasin at baka hindi na maulit.
Simula ngayong Lunes, tunghayan na ang pagsasama-sama ng tatlo sa pinakamainit at kinahuhumalingang Taiwanese hearththrobs ngayon sa pinakamalaki at pinakaginastusang Taiwan TV drama sa taong 2008 na tiyak inyong pakaaabangan tuwing hapon - ang Hot Shot.
Sa unang pagkakataon, mapapanood ang lead hunk na si Wu Chun, multimedia superstar Show Lo, at ang nagbabalik-Pilipinas na ultimate heartthrob ng Asya na si Jerry Yan sa isang sure hit na seryeng puno ng kwela, kilig, at hard court action.
Sa isang eskuwelahang isinasantabi lamang ang sports, muling bubuhayin ni Zyrene (Coco Jiang) ang nakalimutang basketball team sa pamamagitan ng pagiging isang head coach. Sa kanyang paghahanap ng mga manlalaro, makikilala niya si Andy (Show Lo), isang probinsiyanong mahilig sa bola pero walang angking kakayahan sa laro pati na rin si Cody (Jerry Yan), isang sikat na basketball player na lilipat sa kanilang paaralan.
Magiging mahusay na tandem sa hard court ang dalawa ngunit paano kapag may humadlang sa kanilang samahan? Mahuhulog ang loob ni Andy kay Cherry (Zhou Cai Shi), ang babaeng itinitibok din ng puso ni Cody. Ang isa ay naalala ang nawalay na kababata sa dalaga samantalang ang isa ay malapit dahil lumaki sila ng magkasama.
Mas magiging exciting pa ang kwento sa pagdating ni Tyrone (Wu Chun), isang misteryosong basketball player na gagawin ang lahat para matalo sina Cody at Andy.
Kapwa mabagsik sa laro ng basketball pero sino nga ba ang mas magaling ang diskarte sa laro ng pag-ibig?
- Latest