Kaya 'di puwedeng pulitiko, Robin umaming imoral; Angel bumili ng bahay-bakasyunan sa Boracay

Isa si Angel Locsin sa masasabing talagang magaling maghawak ng pera. Bukod sa magarang bahay, mga sasakyan na bayad na at wala nang alalahanin pa ay nadaragdagan pa ang pagpupundar nito ng kabuhayan. Balitang nabili na nito ang mala­king lote sa katabing tahanan at may bahay-bakas­yunan pa ito sa Boracay.

Meron siyang accountant at bookkeeper na siyang taga-audit sa mga kinikitang pera. Higit sa lahat nariyan din ang kanyang ama na siyang tumatayong financial adviser. Isa pa, hindi rin maluho ang aktres at mga importanteng bagay lang ang binibili.

Magsisimula na ang teleserye nilang Only You kung saan makakasama sina Diether Ocampo at Sam Milby.

* * *

Isa rin sa masasabing financially stable na sa kalipunan ng mga young actors ay si Gerald Ander­son. Tatlong taon pa lang ang inilagi nito sa showbiz ay nakapagpundar na rin siya ng bagong bahay sa may Commonwealth sa Quezon City. Natuto na rin itong mag-budget at pagkatapos niyang maitayo ang kanyang dream house ay nagpaplano na ito ng business na kaya niyang patakbuhin.

Ang maganda lang kay Gerald ay wala siyang nightlife at mas feel na mag-stay na lang sa bahay kapag libre sa commitment.

Natupad ang dream role niya sa Tayong Dalawa at umaasa na magtutuluy-tuloy pa ang kanyang mga projects with Kim Chiu. Pero sakaling paghiwalayin ang kanilang loveteam gusto niyang makatambal sina Anne Curtis, Bea Alonzo, Sarah Geronimo, Shaina Magdayao at Maja Salvador.

Marami na ring produktong iniendorso si Gerald pero ayaw na ayaw nitong mag-endorse ng underwear na naka-brief lang gaya ng pagiging Bench body model ni Dingdong Dantes.

Hanggang boxer shorts lang at topless ang kaya niyang gawin.

* * *

Marami palang kumukumbinse kay Robin Padilla na tumakbo sa susunod na election para sa isang posisyon sa Mindanao. Pero nagbiro ang action star na hindi siya puwedeng politician dahil imoral daw siya.

Sinabi pa rin ni Binoe na kaya lagi siyang tumutulong sa Mindanao ay dahil sentro ito ng kaguluhan. Masaya na ang aktor sa pagiging isang artista.

Bukod sa tagumpay ng pelikulang Sundo ay mataas pa rin ang rating ng Totoy Bato.

* * *

Naging isang malaking tagumpay ang celebrity screening ng pelikulang Monster vs. Aliens sa IMAX (Mall of Asia) noong Huwebes kung saan naging star-studded ito. Naroon ang mga taga-Goin’ Bulilit at mga bagets ng GMA 7.

Ang Monsters vs. Aliens ay isang ‘first’ din para sa studio… ang kauna-unahang animated film totally na ginawa sa pinaka-latest na three-dimensional technology sa kabuuan at hindi basta-basta 3D format.

Nagbibigay ito sa mga manonood ng isang karanasan na sila ay kasama sa pelikula dahil sa makabagong 3D technology.

Palabas na ang nakakaaliw na animated film sa inyong paboritong sinehan sa direksyon ni Rob Letterman (Shark’s Tale) at Conrad Vernon (Shrek 2) mula sa Dreamworks Animation SKG at ipinamamahagi ng United International Pictures sa pamamagitan ng Solar Entertainment Corporation.

Show comments