Mama Salve, dumating kahapon si former President Joseph Estrada sa 35th anniversary celebration ng Mowelfund.
Si Papa Erap ang founder ng Mowelfund pero hindi niya sinolo ang credit. Ikinuwento niya sa kanyang mga bisita na idea nila ni Fernando Poe, Jr. na itatag ang Mowelfund para matulungan ang mga manggagawa sa movie industry.
Hindi simpleng celebration ang naganap kahapon dahil may mga libreng medical mission at mga natanggap na regalo mula sa Mowelfund ang mga miyembro.
Dumalo sa anniversary celebration sina German Moreno, Manay Ichu Maceda at siyempre, nandoon ang Mowelfund president na si Boots Anson-Roa.
Si Mama Boots ang punong-abala sa programa at sa pag-aasikaso ng mga bisita. Pinasalamatan ni Mama Boots ang mga tao na patuloy na sumusuporta sa Mowelfund at sa mga project nito.
Sila ang mga artistang tahimik na tumutulong at nagbibigay ng donasyon. Hindi naman siguro magagalit si Mama Boots kung babanggitin ko ang kanilang mga pangalan, sina Sharon Cuneta, Senator Jinggoy Estrada, Charo Santos at si OMB Chairman Edu Manzano. Nagpapasalamat din sila kay Papa Manny Pangilinan na nagpadala ng tulong.
Sobrang nagpapasalamat ang Mowelfund kay Edu dahil ito ang nagbigay kahapon ng pinakamalaking tulong at suporta sa anniversary celebration ng Mowelfund.
* * *
Marami sa ating mga mahihirap na kababayan ang tinutulungan ng Mowelfund. Dapat na talagang ibalik sa mga taga-movie industry ang pamamalakad sa Metro Manila Film Festival (MMFF) pero mangyayari lamang ito sa bisa ng presidential decree o kapag napalitan na ang administrasyon sa Malacañang.
Malaki ang kinikita ng MMFF pero hindi solong napapakinabangan ng Mowelfund dahil marami ang nakikihati. Hindi kagaya noon na tanging ang Mowelfund ang beneficiary ng MMFF earnings.
* * *
Inikot ni Papa Erap ang Paradise of Stars na project naman ni Kuya Germs. Ang ganda-ganda na ng Paradise of Stars dahil maraming idinagdag si Kuya Germs.
Makikita sa Paradise of Stars ang replica ng Walk of Fame sa Eastwood, Libis. Naroroon ang mga star nina Kuya Ronnie, Papa Erap, Mang Dolphy, Lorna Tolentino, Robin Padilla, Phillip Salvador, Nida Blanca at ng marami pang artista.
Dapat isama sa itinerary ng mga field trip ng mga estudyante ang pagdalaw sa Paradise of Stars para malaman nila na may ganitong lugar sa Quezon City.
Sure ako na maaaliw ang mga bagets kapag nakita nila ang mga life-size standee ng kanilang mga paboritong artista.
Nandoon ang mga standee nina Dingdong Dantes, Richard Gutierrez, Marian Rivera, Maricel Soriano, Alfred Vargas, Diana Zubiri, Iza Calzado, Jolina Magdangal at siyempre, ang standee namin nina Butch Francisco, Lorna Tolentino at Joey de Leon.
* * *
Naaalaala pa kaya ng fans ni Rico Yan na ngayon ang kanyang 7th death anniversary? March 29, 2002 nang bawian ng buhay si Rico sa Dos Palmas Beach Resort sa Palawan.
Good Friday nang mamatay si Rico kaya hindi kaagad nakumpirma ang balita tungkol sa pagpanaw niya.
Kabilang ako sa mga libu-libong nakiramay kay Rico. Pumunta ako sa burol ng kanyang labi sa La Salle Greenhills. Muntik na akong hindi makapasok dahil nagmaldito ang security guard. Itatanong muna raw niya kung puwede akong pumasok dahil taga-GMA 7 daw ako.
Naloka ako sa dialogue ng security guard pero hindi ako nagpaapekto. Nakapasok ako sa loob ng La Salle dahil hindi naman tama na pairalin ang network war sa mga ganoong okasyon. Hindi naman ipinagbabawal ang makiramay huh!