Bilib ako sa mga kababayan natin dahil marami silang kuwento tungkol sa mga dating artista na nakakasalamuha nila.
Take note, detalyado ang kanilang mga kuwento as in parang nasaksihan nila ang mga pangyayari na starring ang mga celebrity tulad ng kuwento tungkol sa aktres na katok nang katok sa bahay ng kanyang karelasyon.
Wala raw nangyari sa pagkatok ng aktres dahil hindi siya pinagbuksan ng pintuan ng kanyang ex-lover.
Ano kaya ang dahilan? A. Walang tao sa loob ng bahay B. Pinagtataguan na ni ex-boyfriend si aktres dahil mabigat itong kasama at C. NOTA as in none of the above.
Napakawalang-puso ng mhin kung pinagtataguan niya si aktres dahil marami itong isinakripisyo para sa kanya. Nilayuan ng mga kaibigan ang aktres dahil sobra ang pagkabaliw nito sa walang kuwentang lalake.
* * *
Nagrereklamo ang fans ni Nora Aunor. Bakit hindi raw kasali sa listahan ng Most Powerful in Showbiz ng YES Magazine ang kanilang idol?
Si Nora daw ang nag-iisang superstar at wala pang artista na nakakapantay sa mga achievement niya sa showbiz.
Dapat maghinay-hinay ang fans ni Nora dahil hindi siya qualified sa criteria ng YES na mga entertainment personality na active sa showbiz noong 2008 at lumikha ng ingay ang pasok sa listahan.
Walang ginawang pelikula o TV show si Nora noong 2008 dahil nasa Amerika siya. Hindi siya naging visible sa TV, pelikula at walang mga product endorsement.
Kung si Vilma Santos nga na very powerful dahil gobernadora siya ng Batangas at may mga endorsement, hindi kasali sa listahan, si Nora pa kaya na matagal nang missing in action sa Philippine showbiz?
* * *
Ngayon ang 35th anniversary ng Mowelfund. Nag-iimbita ang Mowelfund President na si Boots Anson-Roa pero hindi naman ako makakapunta dahil kasabay ng Startalk ang 1:00 to 5:00 p.m event ng samahan na malaki ang naitutulong sa mga manggagawa sa movie industry.
Inaasahan ang pagdalo ni former President Joseph Estrada dahil siya ang founder ng Mowelfund.
Gaganapin ang anniversary celebration sa opisina ng Mowelfund sa 66 Rosario Drive, Quezon City . Magkakaroon ng misa, traditional free medical and dental services, entertainment, snacks, giveaways at raffle.
Magiging highlight ng programa ang testimonial ng Mowelfund’s institutional benefactors sa pangunguna nina MMDA Secretary Bayani Fernando, the Erap Foundation, Inc. at ng Presidential Social Fund, Malacañang.
Ang ibang benefactors ng MMDA ay sina Kuya Germs Moreno, ang National Commission for Culture and the Arts, Film Development Council of the Philippines, Philippine Charity Sweepstakes Office, SM Foundation, QC Councilor Ariel Inton and Engineer and Mrs. Dionisio Salvador, Jr.
Si Atty. Espiridion Laxa ang Chairman ng Board of Trustees ng Mowelfund. Ang ibang trustees ay sina National Artist Eddie Romero, Marichu Vera Perez Maceda, Composer Josefino Cenizal, Director Boy Vinarao and concurrent Executive Director Boots Anson-Roa. Julius Topacio is Deputy Executive Director.
Sa mga gustong makisaya sa anibersaryo ng Mowelfund, tawagan ninyo sina Teresa Mabunga, Social Welfare Officer at Tobie Dollete sa telephone numbers 7271915 and 7271961.