Ginagawang katatawanan ng ibang tao ang pagpapaluhod na ginawa ng fashion designer na si Boyet Fajardo sa Duty Free male cashier na si Marvin Fernandez.
Kapag pasaway ang isang tao, mag-ala Boyet Fajardo ka as in paluhurin mo ang pasaway ang dialogue nila. Kung naiirita ka sa isang kaaway, papiliin mo siya, sampal o luhod!
At kung umiiyak ng walang luha ang isang pasaway, sinasabihan ito na hooyy, utang na loob, huwag kang mag-Boyet Fajardo ‘no!
Ganyan na kasikat ang infamous fashion designer na naging over-night celebrity dahil sa pang-aapi niya ng kapwa.
Pati nga ang mga artista, tinatanong tungkol sa opinyon nila sa ginawa ni Boyet pero nakatulala sila dahil wiz nila knowing kung sino ang fashion designer porke busy sila sa taping at kung anik-anik na raket.
Tinanong si Katrina Halili sa opinyon niya sa isyu. Walang maisagot si Katrina, kahit sinabi sa kanya ng mga reporter na magkalapit ang billboard nila ni Boyet sa Edsa, Guadalupe.
Looking for Aljo Bendijo ang mga reporter dahil gusto nilang ma-getsing ang reaksyon ng dating ABS-CBN reporter. Ano ang kinalaman ni Aljo? Siya lang naman ang image model ng RTW for men ni Boyet!
* * *
How true na dito na uli maninirahan sa Pilipinas ang mag-asawang Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado?
Ito kaya ang rason kaya umingay ang tsismis na may problema sila sa kanilang pagsasama na pinabulaanan kaagad ni Jessa?
Eh silent treatment lang ang ibinigay ni Rachel Alejandro sa isyu. Hindi siya nag-comment sa tsismis na siya ang third party na involved pero naglabas naman ng statement ang kanyang manager na si Girlie Rodis.
Nakakaloka ang statement ni Girlie na minsan lang mag-react pero matindi. Imposibleng hindi ma-hurt si Jessa sa statement ni GR na: “ Maybe what bothers Jessa is not really that she believes there is something going on because clearly Rachel is no longer attracted to Dingdong but the fact that there is more of a clamor for the Dingdong-Rachel tandem than there is for the Dingdong-Jessa one.”
Nakaka-aray ko ang subtle na pagtataray ni Girlie. Baka mag-ala Boyet Fajardo niyan si Jessa ‘huh!
* * *
Nag-enjoy ang mga invited reporters sa press visit sa set ng Zorro na in-organize ni Annabelle Rama.
Na-miss kasi ng mga reporter ang mga set visit na usung-uso noong alive na alive pa ang movie industry.
Pinupuntahan ng mga reporter ang set ng mga pelikulang ginagawa kesehodang may kalayuan ito. May press visit sa Tarlac, Olongapo, Baguio City, Laguna, Batangas at kung saan-saan pa.
Nawala ang tradisyon na set visit mula nang tumamlay ang industriya ng pelikulang Pilipino at na-revive lamang ito kahapon dahil kay Bisaya na pinagbigyan ang special request ng mga reporter na marating at ma-sight nila ang scenic location ng Zorro.
Umarkila si Bisaya ng malaking bus at maraming masasarap na pagkain para sa kanyang mga special guest!