MANILA, Philippines - Lingid sa kaalaman ng marami, bukod sa pagtuklas ng mga bagong artists sa industriya ng musika, tinutulungan din ng NESCAFE Soundskool ang mga mahihirap pero karapat-dapat na estudyante na makapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.
Maging si Commission on Higher Education-National Capital Region Education Supervisor II Dr. Mary Sylvette Gunigundo ay humanga sa inisyatiba ng NESCAFE Soundskool na magpaaral ng mga mahihirap na kabataan.
“Tumataba ang puso kong marinig lang ang kanilang pasasalamat dahil kahit paano, merong kumpanyang kumakalinga sa mga estudyanteng ito at hindi lang naghahangad ng tubo,” sabi pa ni Gunigundo.
Ang CHED ang pumili sa 10 college student na tumanggap ng tulong na salapi. Sinuportahan ng ahensya ang NESCAFE Soundskool competition sa nagdaang apat na taon.
Mababa sa P150,000 ang taunang kita ng mga mahihirap na magulang ng mga estudyanteng napili ng CHED.
Ayon naman kay Eileen Bangcoro, marketing and promotions manager ng NESCAFE, laging gustong tulungan ng NESCAFE Soundskool ang mga estudyanteng nangangailangan ng panustos sa pag-aaral.
“Alam naming maraming magagaling na estduyante na hindi makatapos sa kolehiyo dahil sa kasalatan sa salapi kaya naisip namin ang programang ito,” sabi ni Bangcoro.
Kabilang sa tumanggap ng tulong ng NESCAFE Soundskool si Charmaine Angeline J. Calimlim, third year nursing student ng University of Perpetual Help.
“Nagpapasalamat ako na kasama ako sa mga awardee. Malaking tulong sa aking pag-aaral ang tulong na salapi dahil magastos ang kinukuha kong kurso,” sabi pa ni Calimlim.
Sinabi rin ni Christian D. Senora ng St. Clare College ng Caloocan na nakatulong ang perang nakuha niya sa programa para makagradweyt siya ngayong semestre.
Isa pa sa tumanggap ng tulong si Lourdes E. Consuelo ng St. Clare College. “Lalo akong nagsikap na mag-aral mabuti dahil sa tulong na ito. Nangako ako na mag-aaral akong mabuti para makakuha ng trabaho at makatulong sa aking pamilya pagkagradweyt,” wika ni Consuelo.
Ayon sa ina ni Consuelo, magagamit ng kanyang anak ang pera sa pamasahe papasok sa eskuwelahan at pauwi, mga proyekto, libro at ibang gastusin sa pag-aaral.
Kasama pa sa tinutulungan ng NESCAFE Soundskool sina Marika F. Young (Polytechnic University of the Philippines), Alain B. Tongson (Mapua Institute of Technology), Janella Ann Marie D. Domingo (Pamantasan ng Lunsod ng Pasig), Dezerry A. Alina (Colegio de San Juan de Letran), Al John T. Madora (Polytechnic University of the Philippines), Imarie D. Fernandez (Colegio de San Juan de Letran) at Nico M. Patayan (Our Lady of Fatima University).