Nag-taping ako para sa Wish Ko Lang noong Miyerkules at ipalalabas ito sa susunod na Sabado.
Sumulat kasi sa Wish Ko Lang ang aking high school classmate na si Norma dahil type niya akong makita.
Magkaklase kami noon ni Norma sa V. Mapa High School at hinding-hindi ko siya makakalimutan dahil sa sari-sari store na pag-aari ng kanyang Chinese na stepfather.
Palagi akong sumasama sa bahay ni Norma para makapangharbat ako ng Chocnut sa sari-sari store nila at bilang kapalit, tinutulungan ko siya sa paggawa ng aming mga mga school assignment.
Harbatera na ako noon pa. Talagang nakikipag-friends ako sa mga kaklase ko na puwede kong maharbatan dahil mahirap nga lang kami.
Nagsara na ang sari-sari store ng stepfather ni Norma pero wala akong kinalaman sa pagsasara ng kanilang munting negosyo. Chocnut lang ang hinaharbat ko noon, hindi ang buong tindahan ’noh!
* * *
Ayokong i-preempt ang episode ng Wish Ko Lang na ako ang starring. Panoorin n’yo na lang ang memorable reunion namin ni Norma.
Siyempre, nakaramdam ako ng melancholia nang tumuntong ako sa V. Mapa High School noong Miyerkules. Nagbalik sa akin ang masasayang alaala noong virginal pa ang image ko.
Sinasabi ng mga teachers na ang high school days ang best part ng buhay ng isang teenager at totoong-totoo ’yon.
Ang laki-laki na ng ipinagbago ng V. Mapa High School pero hindi nabura sa aking alaala ang mga kagagahan ko sa school.
Marami sa mga taga-showbiz ang graduate sa V. Mapa. Nandiyan si Nova Villa, Rico Puno at ang yumaong aktres na si Ellen Esguerra.
Ano pa ba ang puwede kong sabihin kundi abangan at panoorin ninyo ang guesting ko sa number one show ni Vicky Morales?
* * *
Active na active ang mga readers sa pagpo-post ng kanilang mga komento sa website forum ng PSN.
Kanya-kanya sila ng opinyon tungkol kay Nicole at ang nakakaloka, karamihan sa kanila eh naniniwala na si Daniel Smith ang biktima, hindi si Nicole!
Imbyerna ang PSN readers kay Nicole at awang-awa sila kay Daniel. May nag-comment nga na crush niya ang Amerikano na nakulong dahil sa pang-aabuso kay Nicole.
Nag-fly away na si Nicole sa Amerika pero hindi pa siya nakakasiguro na magkakaroon ng tahimik na buhay dahil sa problema na bigla niyang tinakasan.
* * *
Mabibili na sa mga branches ng National Bookstore ang libro na isinulat ni Marie Fernandez, ang My Life With My Brother Daboy.
Si Marie ang kapatid ni Rudy Fernandez na mahilig magsulat. Na-inspire siya na sumulat ng libro tungkol kay Daboy dahil ayaw niyang makalimutan ng mga tao ang alaala ng kanyang kapatid.
Nabasa ko na ang libro at nag-enjoy ako sa pagbabasa dahil nalaman ko ang mga kuwento tungkol kay Rudy na tanging si Marie ang nakakaalam.
Detalyado ang mga kuwento ni Marie sa libro na madaling basahin dahil hindi siya gumamit ng mga salitang makata at malalim. Straight to the point ang pagkukuwento niya. Hindi nagpakiyeme si Marie at lalong hindi siya nagpaliguy-ligoy!