'I survived' - Ces
MANILA, Philippines - Ilulunsad ngayong gabi (Marso 19) ang bagong programa ng batikang brodkaster na si Ces Oreña-Drilon, ang I Survived, isang docu-drama na magtatampok sa mga kuwento ng mga Pilipinong dumanas at nakaligtas mula sa kapahamakan, na mapapanood sa ABS-CBN.
Babalikan ni Ces ang mga karanasan ng mga tulad niyang nalampasan ang disgrasyang dulot ng mga kalamidad, krimen, aksidente, adventure at mga mapanganib na paglalakbay.
“Ipakikita namin ang tapang at lakas ng loob ng mga Pilipino sa kabila ng mga pagsubok,” ani Ces.
Kilala si Ces bilang isang matapang at magaling na mamamahayag, tulad ng pag-uulat niya noong 2007 sa Manila Peninsula siege, ang giyera sa Mindanao, at noong nakidnap siya noong 2008 habang kumakalap ng balita sa Mindanao.
Hindi rin maitatanggi ang tapang ni Gus Abelgas na kahit may mga banta sa buhay ay patuloy pa rin sa kanyang matapang na pagbabalita. Muli, pabibilibin tayo ni Gus sa kanyang imbestigasyon sa modus operandi ng manggagamot na OFW killer.
Alamin kung papaano pinaniwala ni Madam Charit ang ilang mga residente ng Barangay Hugom, San Juan, Batangas na ipapasok sila sa trabaho sa Amerika at kung papaano niya ikinubli ang ginawang pagpatay sa mga biktima.
Samahan si Gus Abelgas sa kanyang makapigil-hiningang pag-iimbestiga sa S.O.C.O., ngayong Biyernes (Marso 20), pagkatapos ng SNN: Showbiz News Ngayon.
Ngunit bago ito, kilalanin ang mga Pinoy na minero na hindi sumuko sa harap ng peligro kasama si Ces sa I Survived, ngayong Huwebes pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.
- Latest