Drama ni Nicole maganda sa pelikula

Parang teleserye ang kuwento ng rape case na isinampa ni Nicole laban kay Daniel Smith.

Tama ba na biglang nagkaroon ng dramatikong twist? Tinanggap ni Nicole ang P100,000 para sa damages na ibinayad ni Smith at ang nakakaloka, lu­mipad na siya sa Amerika para doon na manirahan.

Eh noong kainitan ng hearing ng kaso, nagmalisya ako na malabong ma­kapunta sa Amerika si Nicole. Hindi siya mabibigyan ng visa dahil sa kanyang bintang laban kay Smith.

Ang ending, nasa US of A na siya. Kung kailan recession sa Amerika, saka siya nagpunta roon. Bongga siya ’di ba?

Marami ang naloloka sa drama ni Nicole dahil biglang nagbago ang kanyang statement samantalang super-emote siya noon dahil hindi niya gusto ang parusa na ipinataw ng korte kay Smith.

Puwedeng gawing pelikula ang life story ni Nicole. Ang title? Ang Babaeng Nawawala sa Sarili.

* * *

Nag-iba na ang itsura ni Smith, base sa mga litrato na nakita ko sa diyaryo.

Tumaba na siya at naging kamukha na ni Ramon Christopher, ang ex-dyowa ni Lotlot de Leon.

Dalawang dahilan ang naisip ko sa pagtaba ni Smith. A. Kumain siya nang kumain dahil sa sobrang depression habang nakakulong sa loob ng US Embassy at B. Masarap ang buhay at mga pagkain niya sa loob ng kanyang kulungan.

* * *

Mahilig matakot at manakot ang mga Pilipino kaya hindi ako magtataka kung maging blockbuster ang Sundo.

In fairness, positive ang feed­back na narinig ko mula sa mga nanood ng Sundo.

Talagang natakot at kinilabutan daw sila sa mga eksena. So, inirerekomenda ko sa lahat na panoorin ang Sundo ng GMA Films. Siguraduhin n’yo lang na walang susundo sa inyo pagkatapos manood ng sine.

* * *

Umapir si JC de Vera sa premiere night ng Sundo. Bakit? Para suportahan si Rhian Ramos na sinuportahan si JC noong upset ito dahil sa balita na lilipat siya sa ABS-CBN.

Dumating din si Rhian sa asalto para sa 23rd birthday ni JC. Sinamahan niya si JC sa premiere night ng Shake, Rattle & Roll noong December 2008.

Sinusuportahan nila ang isa’t isa. That must be true love.

* * *

Pinanood ko ang Taken ni Liam Neeson. Sa totoo lang, nagustuhan ko ang pelikula kahit imposibleng mangyari sa tunay na buhay ang kuwento nito.

Nagmukha nang super hero si Liam sa paningin ko dahil bongga ang performance niya.

‘Yun nga lang, iba ang nangyari kay Liam sa tunay na buhay. Nasa kritikal na kondisyon ang misis ni Liam na si Natasha Richardson dahil naaksidente ito sa isang skiing resort sa Canada.

Inilipad si Natasha sa New York para gamutin. Iniwan ni Liam ang shooting niya sa Canada para mabantayan at maalagaan ang kanyang misis. 

Show comments