Sa away ni Annabelle Rama versus Wilma Galvante, si Richard at ang buong Gutierrez family ay nasa likod ng ina.
Napakabongga naman ng ginawang press launch ng GMA 7 sa pinakabago nilang serye na nagtatampok kay Richard bilang Zorro. Dumating si Richard na naka-costume ng Zorro at nakabitin sa harness at habang nasa ere ito patungo ng stage ay binabaril ng mga gwardya sibil. Parang sine talaga!
Hindi lamang karaniwang presscon ’yon kundi isa na ring show dahil lahat sa cast ay naka-costume at ang bulwagang pinagganapan ng event ay pinalibutan ng mga bulaklak at parang sumandali ay inilipat ng network ang set ng serye na kinukunan sa Bagac, Bataan sa napakaluwang na studio 7 ng bagong gusali ng GMA Network Center.
Sinabi ng bise presidente para sa entertainment ng network na si Gng. Galvante na isa ang Zorro sa pinakamagastos nilang serye. Bukod sa period series ito na nangangailangan ng mabusising atensyon sa production design, tambak din ang mga artista nito na hindi lamang pampalaki ng produksyon kundi gumaganap din ng mahalagang bahagi sa kwento ni Zorro.
Dalawa ang direktor ng Zorro na ayon kay Richard ay gagawin nilang Pinoy na Pinoy ang adaptation, sina Mark Reyes, direktor din ng Encantadia at Codename: Asero at si Dominic Zapata, gumawa ng Mulawin at Captain Barbell.
Tatlo naman ang leading lady ni Zorro, sina Rhian, Bianca at Michelle.
Ang Zorro na ginagampanan ni Richard ay kuwento ng isang bayani ng masa na nakauniporme, sakay lagi ng kanyang kabayo at nakamaskara.
At para hindi maging lubhang matigas ang character ni Zorro, lalagyan ito ng comedy. “Gagawing mischievous ang character ko, pati fight scene hahaluan ng comedy,” imporma niya.
Kahit medyo may kalayuan ang location ng series, limang oras na lalakbayin ito kung nakasakay ng kotse, inamin ni Richard na hindi lamang siya kundi lahat ng male members of the cast ay enjoy at excited na makarating ng taping dahil sa magagandang babae na gumaganap bilang mga ‘pokpok’ sa serye (Maureen, Bubbles, Sheena, Shiela Marie, at Paloma).
Nag-aral din si Richard ng paghawak ng espada sa miyembro ng Philippine Fencing Team. At nang pagsasalita ng Espanyol.
Nang mapadako ang usapan sa isyu ng kanyang inang si Annabelle at ng bossing na si Wilma, sinabi nito na labas siya sa gulo ng dalawa.
“Ibinibigay ko ang aking 110% sa trabaho, pinaghuhusayan ko ito. Labas ako sa gulo nila pero palaging nasa likod ako at ang buo kong pamilya sa mommy ko. Hindi man mangyari ngayon pero sana maging tulay ako sa tuluyang pagbabati nila,” aniya.
Bago ang presscon ay marami ang nag-abang kung sino sa dalawang babae ang hindi makikita, pero parehong nagpamalas ng propesyonalismo ang dalawa nang pareho silang dumating.
Si Gng. Galvante ay nagsalita pa sa unahan ng programa na karaniwan namang nagaganap sa pa-presscon ng GMA 7. Si Annabelle naman ay nakasuporta sa kanyang mga anak (Richard, Elvis) at sa kanyang asawa (Eddie). Bukod dito, may mga alaga rin siyang kasama sa serye (ang mga naunang nabanggit at sina Michelle, TJ, at Bubbles).
Medyo nagkaro’n ng ugong at napako sa dalawang babae ang pansin ng lahat nang unang ipakilala si Gng. Galvante. Pero parehong dedma ang dalawa sa kung anumang nararamdaman nila personally. Pareho silang nag-concentrate sa dapat nilang gawin, si Gng. Galvante sa pag-deliver ng kanyang speech, at si Annabelle sa panonood niya ng mga kaganapan.
Palabas na ang Zorro sa buwang ito sa GMA Telebabad.
* * *
Sa halip na kastiguhin ng mga networks ang mga artists nila na nagbibigay ng masamang imahe sa istasyon dahil sa masamang pag-uugali ng mga ito at hindi magandang attitude sa trabaho at sa mga tao, kinukunsinti pa nila ang mga erring artists nila at ipinaba-block out sa mga PRO nila ang mga negatibo at masasamang balita tungkol sa kanilang mga artista!
Sa halip na turuan ng leksyon para magbago ang mga artista nila nagtetengang kawali sila, kaya naman patuloy ang mga dapat problemahing artista sa kanilang masasamang gawain!