Boys Over Flowers nakuha ng ABS-CBN
MANILA, Philippines - Matapos ang kinakiligan at kinahumalingang kuwento ng Meteor Garden, dalawang bago at kasing-init na Asianovelas ang mapapanood ngayong 2009 handog ng ABS-CBN.
Pormal na kinumpirma ni Leng Raymundo, ABS-CBN Head of Program Acquisitions, na nakuha ng Kapamilya Network ang eksklusibong television at cable TV rights para i-ere ang Boys Over Flowers, ang pinag-uusapang Korean remake ng sikat na Japanese manga na Hana Yori Dango, at ang Hot Shot na pinagbibidahan ng Asian superstar na si Jerry Yan.
Bago pa man ang pormal na anunsiyo ay maugong na sa internet ang pagpapalabas ng naturang Korean series sa Pilipinas.
Ang Boys Over Flowers ay tungkol sa kuwento ni Geum Jan-di at ang kanyang pagpasok sa prestihiyosong Shinwa High School kung saan makikilala niya ang grupo ng mayaman, sikat, at gwapong kalalakihang kung tawagin ay F4 (Flower 4).
Unang ni-remake sa Taiwan ang pinaghanguang Japanese manga bilang drama series na Meteor Garden (ipinalabas din sa ABS-CBN) na pinagbidahan ng phenomenal boyband na F4. Nananatili pa rin ito bilang isa sa pinakamatagumpay na Taiwanese series na ipinalabas sa Philippine television.
Samantala, nakahanda na ring dumating ang isa pang matinding Taiwanese series na paniguradong pakaabangan ng mga kababaihan dahil sa nagagwapuhang cast pati na rin ng mga kalalakihan dahil sa malupit na basketball action, ang Hot Shot simula sa susunod na Lunes (Mar 30).
Dito’y magsasama-sama ang tatlo sa pinakamainit na Taiwanese hunks na kinabibilangan nina Jerry Yan ng Meteor Garden at boyband na F4; Wu Chun ng Hana Kimi, Romantic Princess at boyband na Fahrenheit; at in-demand na aktor at total performer na si Show Lo.
Huwag palalampasin ang pagsisimula ng Hot Shot sa March 30 pagkatapos ng Mr. Bean at abangan naman ang Boys Over Flowers na eere sa kalagitnaan ng 2009.
- Latest