May tsimis na saka lang aaminin nina Dingdong Dantes at Marian Rivera ang relasyon nila ‘pag nagtapos na ang Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang na dahil 16 weeks itong eere, may nine weeks pang ipaghihintay ang kanilang fans.
Tinanong namin si Dingdong tungkol dito nang makakuwentuhan namin sa taping ng soap nila ni Marian sa Baras, Rizal at nagulat ito sa narinig. Wala raw silang ganu’ng plano ng kapareha at ayaw nilang pa-pressure na dapat may label na ang kanilang relasyon. Ang importante, masaya silang magkasamang nagtatrabaho at nagdi-date ‘pag may free time sila.
Dagdag pa ni Dingdong, hindi trabaho ‘pag sila’y magkasama dahil magaan at masayang katrabaho ang ka-loveteam. Nagbibigayan din sila ‘pag may sumpong ang isa sa kanila. Mula nang maging super close, wala pang matinding away sina Dingdong at Marian at wala silang pinagseselosan sa isa’t isa.
“Ang hirap mag-entertain ng thoughts na magseselos ako dahil the end of the world ‘pag nangyari ‘yun. Malayong mangyari sa amin na magkakaselosan kami lalo na sa kaso ko dahil na-control ko na ang sarili ko. Noong kabataan ko, seloso ako, pero nagbago na ako,” banggit ni Dingdong.
Kung si Marian, may nababanggit ng next project na pambata raw after Ang Babaeng…, si Dingdong ay wala pa, pero ready siya kung paghihiwalayin muna sila ng aktres. Alam niyang para rin sa kanilang career ang gagawin ng GMA-7.
Also, nilinaw ni Dingdong na wala siyang balak tumakbong konsehal sa 2010 elections at ‘di alam kung bakit nasasama ang pangalan niya sa mga kakandidato. Wala rin siyang alam sa na-report na Hollywood movie na gagawin daw niya kasama ang ilang Hollywood stars, pero kung may darating na offer at maganda naman, kanyang tatanggapin.
Samantala, sa Monday episode ng Ang Babaeng…, mababalitang patay na si Rado (Paolo Contis) at kailangang sundin ni Wangko (Jack Rodrigo) ang utos nitong iligpit ang pamilya ni Proserfina (Marian Rivera). Maghihirap na si Heleen (Angelu de Leon) dahil sa maraming loans.
* * *
Mas effective endorser pala ang isang sikat na komedyana kesa magaling na aktres dahil mula nang ang komedyana na ang mag-endorse ng produkto na dating ini-endorse ng magaling na aktres, trumiple ang sales ng de-latang pagkain. As in, 90 percent na ang sales nito, mataas kesa dating sales.
Tuwang-tuwa ang ad agency na kumuha sa komedyana, kaya ngayon pa lang, pinag-uusapan nang i-renew ang kanyang kontrata. Hindi alam ng taga-ad agency kung saan sila nagkamali at failure ang campaign nila with the drama actress, gayong marami rin naman itong product endorsements at sikat pa.
* * *
Love nina Katrina Halili, Rhian Ramos at Sunshine Dizon si Topel Lee, director nila sa Sundo dahil hindi sumisigaw, hindi nagagalit, steady lang,very cool, mild-manner at very nice. Ang pinakagusto nila sa batang director ay magaling sa kanyang trabaho at pinatunayan niya ito sa pelikulang may premiere night bukas, March 17 at Mar. 18, naman ang regular showing.
Tsika ni Sunshine, may eksenang umiiyak siya at hindi lang luha, may uhog pang tumulo sa kanya. Ipinaulit ni direk Topel ang eksena’t ayaw nitong pagtawanan ng tao ang actress. Kaya naman, kahit two hours kinunan ang kanyang crying scene, hindi siya nagreklamo.
Incidentally, may balak yata si Katrina na magtayo ng spa at gym dahil ang hilig nito ngayon ay bumili ng mga gamit sa gym at exercise gadget. Marami rin itong beauty tools at may mini-spa sa townhouse niya sa New Manila. Nang tanungin kung may plano siyang karibalin na negosyo ay ngumiti lang. Basta, ang pinagkaka-abalahan niya ngayon ay paliitin ang lumaking balakang.
* * *
Nailibing na si Francis Magalona, pero hindi pa rin makalimutan ng mga nakiramay ang eksena sa kanyang burol ng isang stage mother.
Pagdating sa Christ the King chapel, agad lumapit ang stage mother kay Pia Arroyo-Magalona para sabihing alam niyang papanaw na si Francis dahil may family friend ang mga Magalona na tumawag sa kanya.
Nagulat man, hindi na lang nag-react si Pia, pero hindi niya kilala ang mother ng controversial singer-actress at alam niyang hindi rin ito kilala ng relatives ni Francis.