Jomari Rumesbak

Maaga akong umalis sa birthday party ni Duke Ventura sa Eastwood Libis dahil hinabol ko ang pilot telecast ng Cool Center nina Anjo Yllana at Eugene Domingo.

Nag-promote sina Eugene at Anjo sa Startalk noong Sabado. Sila ang nagsabi na live guest nila si Jomari Yllana sa Cool Center.

Eh mainit na mainit ang isyu tungkol sa paghihiwalay nina Jomari at Pops Fernandez dahil sa mga nakakalokang statement ni Martin Nievera.

Kung nanood kayo ng Startalk noong Sabado, imposibleng hindi kayo na-shock sa mga sinabi ni Martin na nakaka-nega sa image ni Jomari.

At dahil sa mga shocking statement ni Martin, lalong imposible na hindi rumesbak si Jomari.

Ayun, rumesbak nga siya sa Cool Center. Kung pinanood ni Martin ang guesting ni Jomari, siguradong naloka siya dahil mas matapang ang mga siney ng ex-boyfriend ng kanyang ex-wife.

Matunog na Mr. Nievera ang tawag ni Jomari. Ang ibig sabihin, seryoso at na-hurt siya sa mga pinagsasabi ni Martin.

Ang lakas ng dating ng tanong ni Jomari kay Mr. Nievera, bakit ka nakikisawsaw sa naging sitwasyon nila ni Pops?

At ang pinakakaloka, ang statement ni Jomari na hindi siya ang dahilan kaya nawala si Pops sa buhay ni Martin. Nawala raw si Pops sa buhay ni Martin dahil sa kagagawan nito at kung sino ito!

* * *

Ikinuwento ni Jomari na maayos ang paghihiwalay nila ni Pops. Tatlong oras silang nag-usap at naging maganda ang resulta ng kanilang paghihiwalay.

Nagpasalamat si Jomari kay Pops dahil nang magsalita ito, nalinis ang kanyang pangalan sa paningin ng publiko.

Pero siyempre, hindi natuwa si Jomari sa mga siney ni Martin gaya ng paggamit niya sa aircon ni Pops at kung anik-anik pa na nakakasira sa kanyang pagkatao.

Knowing Martin, sasagot siya sa matinding state­ment ni Jomari pero dapat maging aware si Martin na nagiging nega na siya sa mata ng mga tao dahil sa pakikisawsaw niya sa break-up nina Pops at Jomari.

May mga nagtatanong na nga, bakit hindi na lang magsalita si Martin sa totoong status ng relasyon nila ni Katrina Ojeda.

Ano ang masasabi niya sa girl na diumano’y ipinalit niya kay Katrina? Bakit hindi na lang ang kanyang personal na buhay ang kalkalin niya?

Bale ba, ipinalabas uli kahapon sa Showbiz Central ang pag-apir ni Jomari sa Cool Center kaya nadagdagan ang nakapanood sa mga birada niya kay Martin. Naka-post na rin daw sa Youtube ang guesting ni Jomari sa show nina Anjo at Eugene kaya nagpipista sa panonood ang mga sumusubaybay sa saga nina Martin, Pops at Jomari.

* * *

 Mukhang hindi na magsasalita uli si Jomari tungkol sa pag-iingay ni Martin dahil malinaw ang sinabi ni Anjo na ‘yon ang first and exclusive interview na ibibigay ng kanyang kapatid.

 Matatagalan pa ang reaksyon ni Pops tungkol sa statement ni Jomari dahil nasa Amerika siya para sa concert nila nina Kuh Ledesma, Zsa Zsa Padilla at Regine Velasquez.

 Sure naman na mapapanood ni Pops ang guesting ni Jomari dahil nakalagay na nga ito sa Youtube.

Show comments