Sa edad na 35, napaka-young at fresh-looking pa rin ng misis ni Robert ‘Dodot’ Jaworski, Jr. at award-winning equestrianne na si Mikee Cojuangco-Jaworski at puwede pa rin itong mapagkamalang dalaga kahit meron na itong tatlong anak — sina Robbie (9), Raf (7) at ang bunsong si Renzo (sampung buwan), all boys.
Kahit minsanan lamang mapanood si Mikee either sa small o big screen, very refreshing na malaman na open pa rin naman siya sa kanyang showbiz career pero depende ito sa project at basbas ng kanyang mister dahil mananatiling priority sa kanya ang kanyang pagiging wife ni Dodot at ina ng kanilang tatlong anak.
Ang cameo role ni Mikee sa You Changed My Life nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo ay isang indikasyon na bukas pa rin siya sa kanyang showbiz career.
* * *
Si Sarah Geronimo na nga kaya ang next biggest star sa showbiz? Marami ang nagsasabi na malamang na siya na nga ang next very important star sa kasalukuyang henerasyon. Nariyan ang kaisa-isang Superstar na si Nora Aunor, ang Star for All Seasons na si Vilma Santos, ang Megastar na si Sharon Cuneta, ang Diamond Star na si Maricel Soriano at ang Young Superstar na si Judy Ann Santos. Ang pop princess na si Sarah na nga kaya ang next na kikilalaning big star? Malamang!
Ang Viva rin ang nagbigay ng break kay Regine Velasquez sa pelikula at halos lahat ng mga pelikulang ginawa nito ay tumabo sa takilya.
May bagong gold mine na naman ang Viva sa katauhan ni Sarah at siyempre kasali rin dito ang ABS-CBN at Star Cinema kung saan may business tie-up sila with Viva.
Pagkatapos ng US concert tour ni Sarah, tiyak na may panibagong project ito sa bakuran ng Star Cinema kung saan kasosyo naman ang Viva Films.
* * *
May kung ilang beses na kaming naimbitahan ni German Moreno sa iba’t ibang events sa Mowelfund (Movie Workers Welfare Foundation, Inc.) na pet project ng dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada na matatagpuan sa may Rosario Drive, Cubao, Quezon City, pero hindi kami nakakadalo pero nitong huling imbitasyon sa amin ng Master Showman para sa ikalawang anibersaryo ng Paradise of Stars ay nagpunta na kami.
May karapatan si Kuya Germs na ipag-imbita ang Paradise of Stars na siya mismo ang nagpasimuno dahil napakaganda ng kanyang project na sana’y bigyan ng importansiya ng kapwa niya na taga-industriya. Bukod kay Kuya Germs, dumating din ang veteran actress na si Gloria Romero, ang National Artist na si director Eddie Romero (vice chairman ng Mowelfund) at si Josefino Cenizal (miyembro ng Board of Trustees ng Mowelfund). Wala roon ang executive director na si Boots Anson-Roa dahil meron itong out-of-town engagement.
Ang Stars Paradise ng Mowelfund ay lalo pang mapapaganda kung magtutulung-tulong at mag-aambag ang mga taga-industriya at huwag iaasa lahat kay Kuya Germs ang gastusin dahil ang mga taga-industriya at maging taga-labas ang makikinabang nito lalo ang susunod na mga henerasyon bilang karagdagang atraksiyon ng lugar.
* * *