$35 kita per hour: Dating sikat na singer sa nursing home na lang kumakanta
May bago na naman palang endorsement si Sarah Geronimo at clothing line naman ito. Siya ang bagong endorser ng Unica Hija at siya ang pumalit kay Pops Fernandez at isa sa mga araw na darating, makikita natin ang billboard niya sa kahabaan ng EDSA.
Plano naman ng Bench na maglabas ng Sarah’s scent ng iba’t ibang klase ng cologne na tiyak na papatok sa rami ng kanyang fans. Sa ngayon, magkasama sila ni JC de Vera na nagpo-promote ng cologne for Bench.
Samantala, palabas pa sa mga sinehan ang You Changed My Life at hinihintay na ng kanyang fans ang next movie ni Sarah. Inaabangan din kung si John Lloyd Cruz pa rin o sina Gerald Anderson at Piolo Pascual na ang kanyang makakapareha.
* * *
Nagulat ang mga kababayan nating Pinoy sa isang parte sa Amerika nang makita ang isang dating sikat na singer na ang hanapbuhay ngayon ay kumanta sa mga nursing homes. Tuwing umaga, nililibot nito ang iba’t ibang nursing home at kumikita siya ng $35 per hour.
Pagod lang ang kalaban ng singer dahil hangga’t kaya niya, puwede siyang magpatuloy kumanta.
Obviously, nagi-enjoy ito sa kanyang ginagawa at kasya sa kanyang pamilya ang kinikita sa pagkanta sa mga nursing home dahil wala itong balak bumalik ng Pilipinas.
* * *
Trailer pa lang ng Wow Hayop! Featuring Animals Are People Too!, nakakaaliw na at dagdagan pang sina Jose Manalo at Wally Bayola ang hosts nang magpa-pilot na show sa March 18, lalong nakakatuwang panoorin ang show.
Dito lang mapapanood ang penguin na marunong mamalengke, unggoy na magaling magpinta at gansa na umibig sa isang bangkang kahugis niya. Ilan lang ito sa mga nakakaaliw, nakakatawa, nakakaiyak at nakakagulat na videos na nagpapakita nang pagkaparehas ng hayop at tao sa maraming bagay. Bibisitahin din nina Jose Manalo at Wally Bayola ang mga pets ng celebrities at ipapakita kung paano nila inaalagaan ang mga alaga nila.
Hindi makapaniwala sina Jose at Wally na sila ang napiling mag-host ng show at thankful sila sa GMA 7 sa malaking tiwala sa kanila.
- Latest